Ibinalik na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Martes, July 7, ang green sealed box na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte, alinsunod sa utos ng Senate impeachment court.
Pinangasiwaan ni Senate Secretary at Clerk of Court Renato Bantug Jr. ang pagbabalik ng box sa pamamagitan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
Ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, hindi binubura ng pagbabalik ng sealed BIR box ang halaga ng mga dokumento bilang ebidensya.
“Yes, totoo binalik ang BIR box, but this does not mean nawala na ang evidentiary value ng ebidensyang ito,” sabi ni Barbers.
Ayon sa kanya, maaari pa ring ihandog muli ng prosecution ang mga rekord sa tamang yugto ng proceedings.
“At the proper time, ibabalik po ito, i-o-offer po ulit ito ng ating prosecution, and hopefully the court will admit this as an evidence,” sabi niya.
Giit ni Barbers, nananatiling mahalaga ang records kahit wala muna ito sa custody ng impeachment court.
“So sa ngayon ay nandiyan lang iyan at hindi naman nawawala ang kanyang value as evidence,” dagdag niya. /Bistado


