Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Robin sasampahan ng ethics complaint si Kiko; Bwelta ni Pangilinan: ‘Huwag maging balat sibuyas’

Mauuwi sa ethics complaint ang sagutan nina Sen. Robin Padilla at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan matapos umano siyang sigawan ni Pangilinan sa plenary session ng Senado noong May 12.

Nagsimula ang tensyon nang magsalita si Padilla tungkol sa pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at ikumpara ito sa mga kaso nina dating Sen. Leila de Lima at dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Sinabi ni Pangilinan sa plenaryo na ang mga puntong inilatag ni Padilla ay mas dapat talakayin sa committee kesa sa plenaryo para makausad ang iba pang usapin.

Tumugon si Padilla: “Paano natin pag-uusapan yung mga–”

Sumagot si Pangilinan habang nakataas ang boses: “For the record, Mr. President, I still have the floor!”

Matapos magsalita si Pangilinan, sumunod si Sen. Rodante Marcoleta, na nagtaas din ng usapin tungkol kay Dela Rosa.

Doon sinabi ni Padilla sa plenaryo na maghahain siya ng ethics complaint laban kay Pangilinan.

“Gusto ko po sana ireklamo si Senator Pangilinan sa pagsigaw. Meron po ba sa rules natin na pwede mong sigawan ang kapwa senador?” ani Padilla.

Sinuspinde ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang session matapos ilahad ni Padilla ang reklamo.

“Narinig ko ang malakas na boses ni Sen. Kiko Pangilinan. Alam kong si Senator Pangilinan ay galing sa broadcasting, baka nagmo-modulate. Maari ba tayong mag-suspend muna para pag-usapan ang malakas na boses at wari pagsigaw ni Senator Pangilinan,” ani Legarda.

Habang suspendido ang session, nagtipon ang mga senador sa plenaryo. Tinangka ni Pangilinan na lapitan si Padilla para makipagkasundo, pero tumanggi si Padilla na makipagkamay.

Sa panayam sa reporters, sinabi ni Padilla na “okay” sila ni Pangilinan, pero hindi siya sanay na sinisigawan.

“Eh sa akin talaga, hindi ako sanay na sinisigawan. Sinasabi nila na natural ’yan dito, sa akin hindi,” sabi ni Padilla.

“Ngayon, kung saan makakarating ang reklamo ko, bahala na magdesisyon kung sino man ang magiging chairman ng committee on ethics,” dagdag niya.

Iginiit ni Padilla na dapat humingi ng paumanhin si Pangilinan sa plenaryo.

“Mag-apologize ka muna doon. Kailangan sa plenary mo gawin,” ani Padilla.

Nang tanungin kung hindi mag-apologize si Pangilinan, sagot ni Padilla: “Edi, ethics.”

Sa isang Facebook post, binuweltahan ni Pangilinan ang banta ng ethics case.

“Sa banta na pagsampa ng Ethics Case laban sa akin…Sa haba na panahon ko dito sa Senado at sa dami ng sigawan o pagtataas ng boses na nangyari na rito, ngayon lang siguro magkaka-ethics case na ganito.”

“Yung pagtataas ng boses sa mainit na debate ay hindi man kagustuhan ay hindi naiiwasan at malimit na nangyayari sa plenaryo. Kung laban sa ethics yun, marami na sanang mga senador ang sinampahan at pinarusahan. Zero cases.”

“Huwag maging balat sibuyas. Walang legal na basehan at walang kwenta ang ethics case complaint na yan. Hintayin na lang natin yung reklamo nya.”

Sa parehong Facebook post, sinabi ni Pangilinan na sasagot siya ng kontra-reklamo kung itutuloy ni Padilla ang ethics case.

“Kung sakali man, sasagutin ko ng kontra-reklamo sa Ethics Committee sa kanyang paglabag sa parliamentary rules at pagiging out of order at sa kawalan ng proper decorum, ang pagbabanta sa akin, pananakot at paninindak sa akin sa plenary session kanina habang naka recess. Hindi uubra ang pambubully at pa siga siga sa akin. Mas may basehang kasuhan yang pasiga-siga, pambabastos at at ang kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado. Lahat on record.”

“Ayaw ko ng away. Hindi ako palaaway pero hindi ko aatrasan ang sinuman kung ang gusto ay ganitong walang kwentang kasuhan.”

Naganap ang sagutan habang inaasahang tatalakayin ng Senado ang pagpuno sa chairmanships ng committees matapos ideklarang bakante ang lahat ng leadership positions sa Senate committees noong May 11, kasunod ng pagpapatalsik kay dating Senate President Vicente Sotto III. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles