Pinabulaanan ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Z. Duterte na wala umanong due process sa pagdinig ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng confidential funds.
Ayon kay Ridon, miyembro ng House Committee on Justice, hindi tama ang alegasyon na inilabas ang P73-milyong disallowance nang hindi nabigyan ng pagkakataon ang Office of the Vice President na sumagot.
“Hindi totoo na walang due process na nangyari. May pagkakataon silang sumagot, at hindi naman ito nangyari ng isang beses lamang. Dumaan iyan sa audit observation memo at notice of disallowance, kaya malinaw na may proseso bago sila umabot sa puntong ito,” ani Ridon.
Dagdag pa niya, malinaw sa mismong desisyon ng COA na nabigyan ng panahon ang OVP para magpaliwanag.
“As stated in the decision itself, they were given time to respond. Kaya mahirap sabihin ngayon na they were deprived of due process, because the opportunity to answer was already there,” aniya.
Iginiit din ni Ridon na ang isyu ay hindi kakulangan ng proseso kundi kakulangan ng sapat na paliwanag at dokumento mula sa mga sangkot na opisyal.
“The real issue here is not the absence of process. Ang problema, hindi nila naipakita nang sapat ang mga report at supporting documents para maipaliwanag ang paggamit ng confidential funds,” aniya.
Binigyang-diin niya na kapag naging pinal ang desisyon ng COA, may kalakip na personal na pananagutan ang mga tinukoy sa disallowance.
“Kapag naging final na ang finding ng COA, hindi na ito usapin ng opisina lamang. May personal na pananagutan na ang mga pinangalanan sa disallowance,” ani Ridon.
Ayon pa sa mambabatas, hindi ang Office of the Vice President ang obligadong magsauli ng pondo kundi ang mga opisyal na pinangalanan sa desisyon.
“Hindi ang OVP ang pinagsosoli ng pera — ang mga personalidad na tinukoy ng COA ang may obligasyon na magsoli,” dagdag niya.
“Kapag may final finding na, may proseso na nasunod, at may personal na pananagutan na itinakda, hindi na ito simpleng audit issue—ito ay usapin na ng pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan,” ani Ridon. /Bistado


