Malaki ang maibibilis sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kapag itinuloy ng Senate impeachment court ang planong whole-day hearings sa October, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon.
Sinabi ni Ridon nitong Huwebes na tugma ang proposed schedule sa hangarin ng prosecution na matapos ang paglilitis sa pinakamaagang panahon.
“Yun pong calendar na inilatag ng Senate Impeachment Court, makita po natin that may pagsalubong po yung korte doon po sa aming tunguhin na matapos na po yung paglalitis sa pinakamaagang panahon,” sabi ni Ridon sa isang press conference ngayong Huwebes.
“So, nabanggit na po ng presiding officer yung kanila pong proposed schedule and timelines, kung saan I think we will be having entire days of proceedings and at the most, four days in a week, trial days,” dagdag niya.
Sa ganitong setup, sinabi ni Ridon na maaaring makapaghain ang prosecution ng hanggang tatlong witnesses kada araw, mula umaga hanggang gabi.
“So, tingin ko, malaki po ang pagpapabilis po nitong mga proseso na ito. And like what we had stated yesterday, I think as high as the three witnesses po yung pwede natin isalang pagka po ganyan po yung magiging araw nung pong paglilitis, from morning up until at the very latest talaga pong late evening,” sabi niya.
Nitong Miyerkules, inilatag ni Presiding Senator-Judge Francis Escudero ang proposed schedule bago i-adjourn ang proceedings. Sa plano, magkakaroon ng whole-day hearings sa October 1 at 2, October 5 hanggang 9, at October 12 hanggang 15.
Pagdedesisyunan pa ito ng Senate impeachment court sa susunod na linggo.
Pagkatapos nito, pansamantalang hihinto ang trial para bigyang-daan ang mga hearing ng Senate Finance Committee sa proposed P7.2-trillion 2027 national budget.
Magpapatuloy ang impeachment proceedings sa November 9 at 16, bago bumalik sa regular schedule simula November 23 hanggang matapos ang trial.
Sinabi rin ni Ridon na maaari pang umikli ang timeline kung magpasya ang prosecution na hindi na ituloy ang bribery charge laban kay Duterte.
“So if the objective of the impeachment court is to wrap up by, before reaching December, tingin ko maabot po yun kung makakapag-presenta yung depensa ng kanila pong witnesses by the middle to end of October till the end of November,” sabi niya. /Bistado


