Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang mga Pilipino na huwag magsayang ng bigas, suportahan ang local farmers, at pumili ng mas masustansiyang varieties sa ilalim ng pinalakas na Be RICEponsible campaign.
Sa pangunguna ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), nakasentro ang kampanya sa tatlong simpleng gawain: iwasan ang rice wastage, bumili ng bigas mula sa mga magsasaka, at pumili ng mas masustansiyang uri ng bigas.
“Bawat butil ng bigas ay may kaakibat na pagsisikap ng isang Pilipinong magsasaka. Kapag mas kaunti ang ating sinasayang, matalino ang ating pagpili, at sinusuportahan natin ang lokal na bigas, napapalakas natin hindi lamang ang kabuhayan ng ating mga magsasaka kundi pati na rin ang seguridad sa pagkain ng ating bansa,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Inilunsad noong 2014 bilang legacy program ng 2013 National Year of Rice, dating tuwing November lamang isinasagawa ang Be RICEponsible. Ginawa na itong year-round campaign ng PhilRice para gawing pang-araw-araw na disiplina ang responsableng pagkonsumo.
“Mahalaga ang pagpapataas ng produksyon at pagbabawas ng postharvest losses upang mapalakas ang suplay ng bigas, ngunit hindi magiging sapat ang mga pagsisikap na ito kung patuloy nating sinasayang ang mga pagkaing mayroon na sa ating mga plato,” ani Agriculture Undersecretary for Rice Industry Development Christopher Morales.
Tinataya ng PhilRice na bawat Pilipino ay nagsasayang ng humigit-kumulang dalawang kutsara ng lutong bigas kada araw. Katumbas ito ng 10.85 million sacks ng bigas na nagkakahalaga ng P24.4 billion kada taon.
Ayon sa PhilRice, sapat sana ang nasasayang na bigas para pakainin ang tinatayang 5.17 million Filipinos sa loob ng isang taon.
“Mahalaga rin ang disiplinadong pagkonsumo. Bawat butil na naililigtas mula sa pagkakasayang ay epektibong nakakadagdag sa pagkaing magagamit ng ating mga kababayan nang hindi nangangailangan ng karagdagang lupa, tubig, farm inputs, o gastos sa produksyon,” dagdag ni Morales.
Hinihikayat din ang consumers na bumili ng local rice, kabilang ang PhilGAP-certified products.
Itinutulak din ang brown rice, pigmented rice, low-glycemic index rice, high-zinc rice, at rice mixes na may mais, saba, kamote, at adlai bilang mas masustansiyang options na maaaring magbigay ng mas maraming fiber, vitamins, minerals, at iba pang nutrients.
Dadalhin ng PhilRice at partner organizations ang kampanya sa schools, communities, markets, workplaces, terminals, at iba pang mataong lugar sa pamamagitan ng information drives, food-tasting activities, exhibits, social media, at public activities.
Muling isinusulong din ang Half-Cup Rice Ordinance sa mga participating areas upang hikayatin ang restaurants na mag-alok ng mas maliit na serving at mabawasan ang tirang kanin.
“Ang pagiging responsable sa bigas ay nagsisimula sa isang simpleng bagay—ang pagkuha lamang ng kaya nating ubusin,” ani Tiu Laurel. “Kung bawat Pilipino ay may kaunting gagawin, malaki ang pakinabang ng bansa—mula sa mas kaunting aksaya at mas malusog na pagkain hanggang sa mas matatag na mga magsasaka at mas ligtas na suplay ng pagkain.” /Bistado


