Hindi maglalaro sina Dwight Ramos at AJ Edu para sa Gilas Pilipinas sa parating na Asian Games sa Nagoya, Japan.
Sina Ramos at Edu ay lalahok sa Japan B.League Manila Games sa Setyembre 9 at 10, na makakasabay ng Asiad.
Si Ramos ay nakakontrata sa Levanga Hokkaido habang si Edu naman ay myembro ng Gumma Crane Thunders.
“I think it’s safe to say that Dwight and AJ won’t be available because they’re playing in the B.League Manila Games. So that’s a conflict in the schedule,” ani Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Erika Dy
Isinumite na ng SBP ang shortlist ng mga manlalarong bubuo sa pambansang koponan na magtatanggol sa gintong medalya ng men’s basketball.
Hindi pa iyon ang pinal na 12-man roster ni coach Tim Cone. Maaari pang magkaroon ng mga pagbabago sa listahan, pati sa women’s squad, bago ang pagsisimula ng Asiad basketball na gaganapin mula Setyembre 10 hanggang 20.
“There was already a shortlist that was submitted. But it’s not yet the final (list) because just like in the Southeast Asian Games, there can still be changes in the end,” ani Dy.
Tiniyak ni Dy na ang pangunahing grupo ng kasalukuyang pambansang koponan ang siyang kakatawan sa bansa sa hangaring mapanatili ang kampeonato.
“Out of that 30-plus, the mainstays of Gilas are there,” ani Dy.
Ang listahan ay ibinatay sa na-unang listahan ng mahigit 30 manlalaro na isinumite rin ng SBP. Ang ilan sa kanila ay hindi kuwalipikadong ituring na local players, gaya nina Brandon Bates at Sedrick Barefield, dahil hindi kinikilala ng world governing body ng basketball (FIBA) ang Asian Games para sa naturang eligibility.
Tinapos ng Gilas Pilipinas ang 61 taong paghihintay ng bansa para sa gintong medalya sa men’s basketball sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China noong 2023 matapos talunin ang Jordan sa finals, 70-60.
Pinangunahan ng yumaong si Carlos “Caloy” Loyzaga ang koponan ng Pilipinas na nagkampeon sa Jakarta noong 1962.
Samantala, pinalalawak ng Gilas Pilipinas U23 ang player pool nito bilang paghahanda sa dalawang malalaking 3×3 tournament ngayong Setyembre.
Ayon kay SBP 3×3 program director Ryan Gregorio, kailangang magkaroon ng mas maraming manlalaro sa national team pool, na sasabak sa FIBA 3×3 U23 World Cup sa Wuhan, China mula Setyembre 15 hanggang 19, bago tumulak sa Nagoya, Japan para sa Asian Games sa Setyembre 21 hanggang 25.
Idinagdag niya na ang Asiad 3×3 ay para rin lamang sa mga U23 players.
Mas naging masalimuot pa ang iskedyul dahil magsisimula rin sa parehong panahon ang bagong season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA).
“We’re actually preparing for two tournaments. So it’s impossible for us to have just one team. So we’re expanding our pool and checking on the players available,” ani Gregorio.
“I think the conflict right now is the schedule of the UAAP and NCAA. So those are the things we really have to scrutinize. Those are the matters that require a careful understanding. And, of course, you wouldn’t want to negatively affect the teams or schools participating in their respective tournaments. So, the schedule needs to be thoroughly studied, and there needs to be proper consultation with the coaches as well.”
Ang mga miyembro ng Gilas 3×3 na nagkampeon sa FIBA 3×3 Nations League Asia at nagbigay sa bansa ng puwesto sa World Cup ay sina Earl Medina (Adamson), Koji Buenaflor (University of Santo Tomas), Jhun Dela Rama (San Beda), at sina Cabs Cabonilas at Jedric Daa (Far Eastern University).


