Babaguhin ng Premier Volleyball League (PVL) ang takbo ng torneo sa pagsapit ng ika-10 season nito sa Oktubre.
Ang bagong format para sa All-Filipino Conference ay dinisenyo upang bigyan ang mga koponan at manlalaro ng mas maraming pagkakataong makipagkumpitensya dahil ang bawat laro ay magbibigay daan patungo sa pinakamalaking gantimpala: ang Philippine Grand Championship.
Sa unang pagkakataon, isasagawa ng liga ang tatlong magkakaibang serye – Siklab, Sigla at Sinag.
Ang unang dalawang serye ay magkakaroon ng kani-kanilang kampeon habang magbibigay din ng standings points na dadalhin hanggang sa ikatlo at huling serye.
Ang mga naipong puntos ang magtatakda sa overall rankings at seeding ng mga koponan para sa Sinag.
“Each series will earn points and those points will be added up, which will be the basis of their rankings for the third series. Each series, we will have a champion until the third one. So it’s all round-robin,” ani PVL commissioner Sherwin Malonzo sa isang press conference.
Magsisimula ang 10th season sa Siklab sa Oktubre 10 sa bagong SM Seaside Cebu Arena at magtatapos sa Disyembre 4.
Matapos ang single round-robin elimination, ang top four ay uusad sa semifinals, kung saan ang top two ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage laban sa No. 3 at No. 4 seeds.
Magtatapos ang serye sa isang best-of-three championship.
Ang kakaiba sa Siklab, kailangan mabigyan ng playing minutes ang lahat ng manlalaro.
Pareho rin ang format ng ikalawang serye na Sigla ngunit mawawala na ang requirement na kailangang makapaglaro ang lahat.
“In the second series, it’s all power. It’s up to the coaches kung paano, the usual,” paliwanag ni Malonzo.
Bawat panalo ay may epekto sa mga koponan bago ang huling serye, ang Sinag.
Ang nangungunang dalawang koponan sa overall standings pagkatapos ng Siklab at Sigla ay makakakuha ng direktang puwesto sa best-of-three semifinals.
Samantala, ang pitong iba pang koponan ay kailangang malampasan ang isang stepladder format na dalawang grupo pang makarating sa semifinals.
Magsisimula ang pag-akyat sa Seeds 7, 8, at 9 na maglalaban sa isang single round-robin.
Ang dalawang mangungunang koponan ay uusad bilang No. 7 at No. 8, habang ang koponang magtatapos sa ikatlong puwesto ay magiging No. 9 at matatapos na ang kampanya.
Susunod na haharap ang No. 7 seed sa No. 6, habang makakaharap naman ng No. 8 ang No. 5. Ang mga mananalo ay uusad upang harapin ang No. 3 at No. 4 seeds, ayon sa pagkakasunod.
Kailangang malampasan ng mga makakaligtas ang huling hadlang bago makarating sa semifinals: best-of-three laban sa top two.


