Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pujalte bagong DOH chief, Herbosa nagbitiw dahil sa kalusugan

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dr. Jose Brittanio Pujalte Jr. bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH) kasunod ng pagbibitiw ni Dr. Teodoro “Ted” Herbosa dahil sa problemang pangkalusugan.

Kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Lunes, July 13, ang paghirang kay Pujalte, pinuno ng Philippine Orthopedic Center (POC).

Naghain umano si Herbosa ng courtesy resignation matapos sumailalim sa isang medical procedure kamakailan. Kailangan niyang dumaan sa malawakang rehabilitasyon na tatagal nang tatlo hanggang apat na buwan.

Nagsilbing kalihim ng DOH si Herbosa mula nang italaga siya ni Marcos noong June 2023. Isa siyang doktor at dating undersecretary ng kagawaran.

Mahigit tatlong dekada na namang nagsisilbi sa gobyerno si Pujalte bilang orthopedic surgeon at public health administrator. Pumasok siya sa serbisyo ng DOH noong 1991.

Mula 2014, nagsilbi siyang Medical Center Chief II ng POC, pangunahing specialty hospital ng bansa para sa orthopedics at rehabilitation medicine.

Nagtapos si Pujalte sa University of the Philippines College of Medicine. Mayroon din siyang master’s degree sa hospital administration mula sa Ateneo Graduate School of Business.

Sumailalim siya sa fellowship training sa Japan, United States at United Kingdom. Nakatuon ang kanyang kasanayan sa mga operasyon sa balikat, gulugod at kasukasuan.

Naging pangulo rin siya ng Philippine Orthopedic Association (POA) at ASEAN Orthopaedic Association (AOA). Noong 2009, siya ang ikalimang Pilipinong namuno sa regional medical organization.

Tumulong din si Pujalte sa pagtatatag ng Philippine Spine Society noong 1995 at Philippine Shoulder Society noong 1997. Nagturo rin siya sa University of the Philippines Manila, FEU-Nicanor Reyes Medical Foundation at San Beda College of Medicine.

Kabilang si Pujalte sa mga ikinonsidera para sa puwesto ng health secretary noong 2022. Si Herbosa ang itinalaga ni Marcos sa posisyon makalipas ang isang taon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles