Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Puerto Princesa, pumoporma bilang ‘Sports Capital of the Philippines’

Itinakda ng Puerto Princesa, ang kabisera ng Palawan, ang layunin nitong maging Sports Capital of the Philippines, na higit pang pinagtibay ng pakikipagtulungan nito sa Philippine Sports Commission (PSC) at itinampok sa Palawan Youth and Sports Summit.

Pinuri ni PSC Chair Patrick Gregorio ang sports program ng Puerto Princesa bilang isang huwaran ng kahusayan, na pinangungunahan ng masiglang liderato ni Mayor Lucilo Bayron at ng mga opisyal ng lungsod.

“The sports program of Puerto Princesa City is worth emulating by other LGUs (local government units). Maganda talaga ang programa nyo dito. You are truly advanced in research, development, and implementation. Congratulations,” ani Gregorio.

“You already know the benefits of sports tourism to grassroots development and tourism contribution to the economy. Mayor Bayron is your No. 1 cheerleader.”

Bukod sa mga talakayan sa summit, nagtungo rin sa mga pasilidad ang mga opisyal ng PSC at Puerto Princesa upang personal na makita ang imprastraktura na magsisilbing pundasyon ng ambisyon ng lungsod.

Una nilang binisita ang Iwahig Prison and Penal Farm, kung saan ang malawak na 20-ektaryang lugar na ipinagkaloob ng Bureau of Jail Management and Penology ay magiging tahanan ng ilang pasilidad para sa sports.

Itatayo ang PSC Regional Sports Complex, ang planong baseball diamond sa pakikipagtulungan sa Philippine Amateur Baseball Association. 

Makakadagdag dito ang softball field, football pitch, at iba pang multi-sport facilities na magsisilbing pundasyon ng regional sports hub ng lungsod.

Mula roon, nagtungo ang delegasyon sa Ramon V. Mitra Sports Complex, kung saan nagsasanay ang mga indoor athlete sa sepak takraw, boxing, tennis, badminton, table tennis, basketball, at combat sports tulad ng wushu, taekwondo at arnis.

“Puerto Princesa is ready to lead. With PSC as our partner, we will build the future of Philippine sports here in Palawan,” ani Bayron.

Mayroon din ang complex na track and field oval, football field, volleyball court, swimming pool, archery range at baseball field, bukod pa sa gymnasium na ipinagkaloob ng PSC.

Naging pagdiriwang din ng youth sports ang pagbisita nang makisama si Gregorio at ang kanyang mga commissioner sa mga bata sa mga court at field, na nagpapatibay sa layon ng PSC na umunlad grassroots development.

“It’s always inspiring to see kids out on the courts. Less screen time, more play time, and along the way healthier habits, new friendships, and perhaps even a few future champions,” ayon kay Gregorio.

Nagtapos ang tour sa awarding ceremony bilang pagkilala sa matagumpay na pagho-host ng Puerto Princesa sa World Table Tennis Youth Contender sa Edward S. Hagedorn Coliseum noong Setyembre 3-6.

Inorganisa ang event ng Philippine Table Tennis Federation, na nakatakdang maglunsad ng grassroots initiative na magbibigay ng 240 table tennis tables sa mga Filipino-Chinese school sa buong bansa.

Naging mahalagang forum ang Palawan Youth and Sports Summit noong Setyembre 7-8, kung saan nagsama-sama ang mga national sports leader at eksperto upang balangkasin ang landas ng Puerto Princesa tungo sa pagiging sports capital ng bansa.

Sa huling araw, nagtungo ang delegasyon sa training center ng Philippine Paddling Federation sa kahabaan ng Iwahig River, ang tahanan ng mga national athlete sa dragonboat, canoeing at kayaking.

Sa buong suporta ng PSC, nakahanda na itong maging isang regional training center na may kakayahang mag-host ng mga pandaigdigang torneo, na lalo pang magpapalakas sa reputasyon ng Puerto Princesa bilang destinasyon para sa sports tourism.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles