Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PSC panel bubuo ng report ukol sa pagkamatay ng dalawang Atenista

Bubuo ang Philippine Sports Commission (PSC) ng isang multi-stakeholder panel upang tumulong na mabuo ang isang komprehensibong ulat ukol sa pagkamatay nina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili ng Ateneo de Manila University basketball team.

Kabilang sa lupon ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP),  University Athletic Association of the Philippines (UAAP), Commission on Higher Education (CHED) at National Youth Commission (NYC).

Sina Baterbonia, 19, at Adili, 21, ay namatay dahil sa pagkalunod habang nasa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Lunes.

Nadala na ang kanilang mga labi sa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City.

Ipapa-autopsy pa ang katawan ni Baterbonia samantalang nais ng pamilya ni Adili na madala na ang kanyang labi sa Nigeria sa lalong madaling panahon.

Nagkaroon ng isang minutong katahimikan bago magsimula ang laban ng University of Santo Tomas at Adamson sa Filoil EcoOil Preseason Cup sa Playtime Filoil Centre sa San Juan nitong  Martes bilang pag-alala sa dalawa.

Sa isang pahayag, sinabi ng PSC na ang pagkamatay ng dalawa ay trahedya para sa Philippine sports at sa lahat ng tagasuporta nila.

Dagdag pa ng PSC na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon.

Susuriin ng panel ang umiiral na mga polisiya, protokol at mga pamamaraan sa pagsasanay upang makabuo ng mga rekomendasyon at mga hakbang sa kaligtasan sa training.

“The goal is not only to understand what happened, but to ensure that lessons learned lead to safer, more responsive systems that protect athletes while sustaining high-performance sport,” pahayag ng PSC.

“Excellence in sport requires environments that push human potential, but never at the expense of safety.”

Si Baterbonia ay tubong Agusan del Sur ngunit nagtapos ng high school sa Ateneo de Davao

Naganap ang trahedya wala pang isang linggo matapos lumipat si Baterbonia sa Ateneo campus sa Katipunan, Quezon City.

Nakatakda sana siyang magdebut para sa Blue Eagles sa UAAP Season 89.

Samantala, si Adili ay naglaro para sa Ateneo noong Season 88.

Ayon sa Police Regional Office-Central Luzon (PRO-3), ang dalawang batang student-athlete ay lumalangoy nang sila ay matangay ng current, batay sa mga impormasyong nakalap ng mga imbestigador.

Sinabi ng pulisya na agad tumugon ang mga tauhan ng Dipaculao Municipal Police Station sa insidente at nakipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya upang magbigay ng tulong.

Dinala ang mga biktima sa isang pasilidad medikal ngunit kalaunan ay idineklarang patay ng doctor.

“While the investigation remains ongoing, initial findings indicate that the victims were swimming when they were reportedly carried by a strong current into deeper waters,” pahayag ng PRO-3.

Hinimok ng regional police office ang publiko na iwasan ang mga haka-haka habang isinasagawa pa ang imbestigasyon at pinaalalahanan ang mga beachgoer na sundin ang mga safety advisory, lalo na sa mga lugar na kilala sa malalakas na agos.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles