Inilatag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairperson Patrick Gregorio ang panukala na magtatag ng kauna-unahang Sports University ng bansa sa ilalim ng University of the Philippines (UP) System.
Isa itong makasaysayang inisyatiba na naglalayong baguhin ang pananaw sa sports sa Pilipinas — mula sa simpleng libangan tungo sa isang pambansang industriya na may kaugnayan sa edukasyon at negosyo.
Sa kanyang talumpati sa mga nagsipagtapos ng UP College of Human Kinetics sa Varsity Training Center sa Quezon City nitong Sabado, hinamon ni Gregorio ang State University na manguna sa paghubog ng kinabukasan ng sports.
“My dream for Philippine sports is to build a proud nation. To this end, my dream for UP is to build a Sports University. A university that produces not only champions, but the coaches, scientists, educators, entrepreneurs, administrators, and innovators who make those champions possible,” ani Gregorio.
Sa loob ng maraming dekada, ang sports sa Pilipinas ay madalas na itinuturing na katuwaan o libangan lamang — isinasantabi na hindi seryosong gawain.
Ngunit ang mga tagumpay ni Hidilyn Diaz sa weight lifting, ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa sa Japan noong 2021, at gymnast na si Carlos Yulo nakadalawang ginto sa 2024 Paris Olympics, ay nagbigay ng bagong kahulugan sa sports bilang isang mahalagang kaagapay ng edukasyon, turismo at ekonomiya.
Binigyang-diin ni Gregorio na ang iminungkahing Sports University ay magsisilbing institusyon na magpapatibay sa momentum na ito sa pamamagitan ng paglinang ng bagong henerasyon ng mga atleta, coach, at lider na may disiplina, integridad, at malinaw na bisyon.
Layunin din nitong gawin mas propesyonal ang sports education upang matiyak na ang mga atletang Pilipino ay susuportahan ng world-class na sistema.
Ang ilan sa mga matagumpay na halimbawa ng sports university ay ang Deutsche Sporthochschule Köln (German Sport University Cologne), Beijing Sport University sa China, Lesgaft National State University of Physical Education, Sport and Health sa Russia, at Nippon Sport Science University sa Japan.
Ang German Sport University Cologne ang pinakamalaki sa Europa at nakapagluluwal ng mga elite coach, sports scientist, at Olympian.
Ang Beijing Sport University naman ay kinikilalang pangunahing institusyon sa sports science at athlete development na malaki ang naging ambag sa dominasyon ng China sa Olympic competition.
Samantala, ang Lesgaft National State University of Physical Education, Sport and Health ay nagsanay ng maraming henerasyon ng mga world-class na atleta, habang ang Nippon Sport Science University ay kilala sa sports medicine at sa paghubog ng mga Olympic champion.
Sa mga kapitbahay sa Southeast Asia, na-itatag na rin ang Thailand National Sports University at ang Vietnam National University of Physical Education and Sports.
Ang mga institusyong ito ang nagsisilbing pangunahing sentro ng sports education, athlete development, at pananaliksik sa sports science.
Sa Pilipinas, ang UP College of Human Kinetics ay haligi na ng sports education sa nakalipas na 27 taon.
Sa pananaw ni Gregorio, ma-ilalagay ng proyektong ito ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang matagumpay na ginagamit ang sports universities bilang susi sa pagiging globally competitive.
Binanggit din niya na maaaring gumanap ng mahalagang papel ang PSC sa pagpopondo sa UP Sports University, dahil sa National Academy of Sports sa New Clark City, Tarlac ay nagsisilbi rin vice chair si Gregorio.


