Hindi magpapadala ang House prosecution panel sa fake news, paninira, at political noise bago ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua nitong Sabado.
Sa Saturday News Forum at Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Chua na inaasahang dadami pa ang tangkang ilihis ang atensyon ng publiko habang papalapit ang pagbubukas ng trial sa July 6.
“Hindi po natin maaalis na maglalabasan ang maraming fake news,” sabi ni Chua.
Ayon sa kanya, habang nagsisimula at umiigting ang impeachment trial, posibleng mas lumakas din ang attacks at distractions para pahinain ang tutok ng taumbayan sa kaso.
“Habang sinisimulan na itong impeachment at mas umiigting ang impeachment trial, mas umiigting din ang mga paninira at mga fake news para ma-divert ang atensyon ng ating mga kababayan dito po sa impeachment,” sabi ni Chua.
Ginawa ni Chua ang pahayag nang matanong tungkol sa mga isyung lumilitaw bago ang trial, kabilang ang claims tungkol sa envelopes, bags, at iba pang political distractions.
Pero giit niya, mananatiling nakatutok ang prosecution sa trabaho nito sa Senate impeachment court.
“Pero kami po sa panig ng prosecution ay nakafocus lang kami sa aming gawain, sa aming trabaho,” sabi ni Chua.
Ayon kay Chua, pangunahing tungkulin ng prosecution na malinaw na mailatag ang ebidensya sa hukuman at sa taumbayan.
“Ang focus lang namin dito ay mailatag nang maayos ang ebidensya sa ating mga kababayan,” sabi niya.
Aniya, sa trial makikita ng publiko kung may sapat na basehan ang mga alegasyon laban kay Duterte.
“At makita ng taumbayan kung totoo ba o hindi itong mga paratang sa ating Vice President,” sabi ni Chua.
Para kay Chua, mahalaga ang trial dahil ililipat nito ang usapan mula tsismis at propaganda tungo sa mga dokumento, saksi, testimonya, at ebidensya.
Giit niya, ang pinakamalakas na sagot ng prosecution sa fake news ay ang kasong ilalatag nito sa impeachment court.
“Wala po ang pinakamaigting na panabla sa fake news kundi po ang ebidensya na ilalatag po namin,” sabi ni Chua. /Bistado


