Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Prosecution: Poa testimony mahalaga para buuin ang kuwento ng P112.5-M DepEd confidential funds

Inaasahang makatutulong ang testimonya ni dating Department of Education (DepEd) chief of staff at spokesperson na si Atty. Michael Wesley Poa para punan ang mga puwang sa usapin ng P112.5 million confidential funds ng ahensya noong Education secretary si Vice President Sara Duterte, ayon sa House prosecution panel.

Bahagi na ngayon ng defense team ni Duterte at defense spokesperson si Poa, pero plano siyang tawagin ng prosecution bilang hostile witness sa impeachment trial.

Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers, hindi pa nasagot sa naunang House inquiry ang lahat ng tanong tungkol sa papel ni Poa sa confidential funds.

“Yung ating nasaksihan doon sa Committee on Good Government hearing, hindi pa siya yung complete, yung buong dapat itanong kay Attorney Michael Poa,” sabi ni Barbers.

Naging sangkot si Poa sa response ng DepEd sa Audit Observation Memorandum tungkol sa confidential funds. May papel din siya sa pagkuha at pagsusumite ng military certifications na ginamit sa tugon ng ahensya.

“Gaya ni Ortonio, marami ring dokumentong dumadaan sa kanya na sinusuri nila at maaaring pinipirmahan nila,” sabi ni Barbers. “That must be made clear before the senator-judges,” dagdag niya.

Nais ng prosecution na malinawan kung anong documents ang nirepaso o pinirmahan ni Poa, ano ang alam niya tungkol sa mga ito, at anong advice ang ibinigay niya sa officials na nangangasiwa sa pondo.

“Yung paggamit nila nung pondong iyan, na confidential and intelligence fund na bihirang-bihirang ibigay sa DepEd secretary, tama ba ang pagkakagastos?” tanong ni Barbers. “Maraming tanong na dapat masagot, kaya I’m sure pinaghandaan ng prosecution iyan,” dagdag niya.

Ayon naman kay Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V, limitado ang naging pagkakataong tanungin si Poa sa House matapos siyang magbitiw sa DepEd.

“Medyo limited din po noon ang time ng briefings,” sabi ni Ortega. “Nasa forum na siya ng impeachment court,” dagdag niya. “Mas marami pong information at mas marami pong liwanag ang ma-shed niya sa mga topics na marami pong katanungan.”

Kasama ring nakatakdang tumestigo sina retired Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio, na nauugnay sa military certifications na isinumite ng DepEd bilang tugon sa Commission on Audit findings.

Sa naunang House inquiry, sinabi ng dalawang opisyal na hindi tumanggap ang kanilang military units ng DepEd confidential funds para sa mga aktibidad na sakop ng certifications, kabilang ang Youth Leadership Summits.

Nakatakdang humarap sina Boransing at Panopio sa September 1. Maaaring isalang agad si Poa sa parehong araw kung hindi makadalo ang alinman sa dalawang military witnesses.

Sinabi ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi na kailangan ng subpoena kay Poa dahil naroon siya sa korte at handang tumestigo.

Si Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Marizza Grande naman ay inaasahang magsisilbing testigo tungkol sa verification ng mga pangalan sa acknowledgment receipts na ginamit sa pag-account ng confidential fund expenditures.

Bahagi ang mga testimonya ng Article I ng impeachment case, na tumatalakay sa umano’y misuse ng P612.5 million confidential funds: P500 million sa Office of the Vice President at P112.5 million sa DepEd. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles