Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Prosecution: P80M-P98M kada taon umano’y hindi dineklara sa SALNs ni VP Sara

Umabot umano sa mahigit P80 milyon hanggang P98 milyon kada taon ang halaga ng assets na hindi lumitaw sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Vice President Sara Duterte mula 2022 hanggang 2025, batay sa paghahambing ng House prosecution sa bank, insurance, investment at firearms records nina Duterte at asawa niyang si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Sa pre-trial press conference nitong Huwebes, October 8, sinabi ng prosecution na ikinumpara nito ang year-end bank balances, insurance at investment payments, at firearms sa mga halagang idineklara nina Duterte at Carpio sa “Others” o “Various” sa kanilang SALNs.

“Bank records and testimony show that the SALN declarations are all false. Bakit false, because hindi fully and truthfully declared ang mga material information doon sa SALN,” ani impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers.

Sa initial computation, lumampas umano sa P80 milyon ang hindi naideklarang assets noong 2022, mahigit P98 milyon noong 2023, higit P66 milyon noong 2024 at mahigit P70 milyon noong 2025.

Pinakamalaki ang tinukoy na gap noong 2023.

Mahigit P71 milyon umano ang combined year-end bank balances, P35.9 milyon ang insurance at investments, at higit P7 milyon ang firearms. Mas mababa naman sa P15 milyon ang pinagsamang halaga sa “Others” nina Duterte at Carpio sa SALN para sa naturang taon.

Ayon sa prosecution, preliminary pa ang computations at kailangan pang i-validate ng financial analyst na ihaharap sa open trial.

Sinuri rin ang 29 bank accounts sa walong bangko: LandBank, Asia United Bank, PSBank, Metrobank, Security Bank, BPI, PNB at BDO. Hindi kasama rito ang mga account na sarado na.

“Sa lahat ng SALN ni VP Sara, wala siyang idineklarang cash on hand o cash in bank,” ani Barbers.

Ayon sa prosecution presentation, nasa humigit-kumulang P59 milyon ang combined year-end bank balances noong 2022, P71 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024 at P39 milyon noong 2025.

Kahit ipagpalagay umanong lahat ng nakalagay sa “Others” ay cash, kulang pa rin ito kumpara sa bank balances.

“Now, even if we assume all of VP Sara’s other personal properties sa kanyang SALN were cash, kulang pa rin at malaki pa rin ang undeclared,” sabi ni Barbers.

Sa bank balances lamang, tinaya ng prosecution ang alleged undeclared amounts sa mahigit P45 milyon noong 2022, P56 milyon noong 2023, P1 milyon noong 2024 at P9 milyon noong 2025.

“P71M minus P15M ay malaking P56M pa rin ang diperensya,” ani Barbers tungkol sa 2023 figures.

Lumaki pa ang alleged gaps nang idagdag ang insurance at investment records mula sa FWD Life, Manulife, Pru Life UK, BPI AIA, Allianz PNB Life, BDO Life at BDO Securities.

Umabot umano ang insurance at investment figures sa P35.2 milyon noong 2022, P35.9 milyon noong 2023, P59.6 milyon noong 2024 at P54.4 milyon noong 2025.

“Kung natatandaan natin, hindi po ito naideklara sa kanilang SALN,” ani House prosecution spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong.

“Remember, ang mga investment plans ay considered to be an asset,” dagdag niya.

Pinakamalaking single component bawat taon ang BDO Securities: P16.9 milyon noong 2022, P17 milyon noong 2023, P29.6 milyon noong 2024 at P29.7 milyon noong 2025.

Batay sa rounded figures ng prosecution, nasa humigit-kumulang P80.2 milyon ang lower-bound gap noong 2022, P98.9 milyon noong 2023, P66.6 milyon noong 2024 at P70.4 milyon noong 2025.

Hiwalay pang ipinakita ang dalawang property ni Carpio na umano’y walang katugmang declaration sa SALNs.

Kabilang dito ang Kembali Coast property sa Samal na binili sa P3,453,849 noong 2018 at isang 379-square-meter property sa Matina, Davao City na may P6 milyong presyo sa 2024 deed of absolute sale.

Hindi isinama ang mahigit P9.45 milyong combined acquisition price ng dalawang property sa annual gap computations.

Para sa prosecution, mahalaga ang paulit-ulit na pattern sa apat na magkakasunod na SALNs.

“The non-declaration of cash from 2022-2025 as shown in the table is a clear, willful, and deliberate attempt to conceal material information, not just an error or an omission,” ani Barbers. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles