Kinuwestiyon ng House prosecution panel nitong Lunes kung bakit kinailangang gumamit noon ng confidential funds para sa security preparations ng tree-planting activities ng Office of the Vice President (OVP), gayong nakapagsagawa ng kaparehong programa si Vice President Sara Duterte ngayong 2026 kahit walang confidential fund allocation.
Lumabas ang usapin sa pagpapatuloy ng direct examination kay dating OVP special disbursing officer Gina Acosta, na tumestigo bilang hostile witness sa impeachment trial kaugnay ng umano’y misuse of confidential funds.
Sinabi ni Acosta na kabilang ang tree planting sa mga aktibidad na ginamitan ng confidential funds dahil nagsasagawa muna ng surveillance ang security personnel.
“Ang tree planting po ay kasali po sa pinaggastusan ng confidential funds. Before po gawin ang tree planting, ang aming security officer mag-conduct po sila ng surveillance kung safe ba,” sabi ni Acosta.
Ayon sa kanya, layunin ng security work na matiyak ang ligtas na pagsasagawa ng programa at maprotektahan ang mga magtatanim.
Binanggit naman ni counsel for the prosecution Atty. Amando Virgil Ligutan ang isang Aug. 13 report tungkol sa paglahok ni Duterte sa tree-planting activity sa Masibay Integrated School sa Barangay Masibay, Nunungan, Lanao del Norte, bahagi ng OVP’s PagbaBAGo: A Million Trees Campaign.
Kinumpirma ni Acosta na walang confidential fund allocation ang OVP para sa fiscal year 2026.
“The point is there were no confidential funds allocated and the Vice President was able to conduct one,” sabi ni Ligutan.
Nang tanungin kung alam niya kung paano na-secure ang 2026 activity nang walang confidential funds, sagot ni Acosta: “Hindi ko alam, your Honor.”
Nauna nang tumestigo si Acosta na broad Good Governance and Socio-Economic Program Delivery programs ang nakasaad sa physical at financial plans ng OVP.
Ayon sa kanya, si Col. Raymund Dante Lachica, dating pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group at security officer ng OVP, ang nagbibigay ng operational details.
Si Lachica rin ang pinagbigyan ni Acosta ng apat na P125-million cash tranches sa utos ni Duterte.
Sa ilalim ng joint circular na namamahala sa confidential funds, limitado ang paggamit ng pondo sa authorized confidential activities at kailangan ang dokumentasyon ng proposed spending at accomplishments. /Bistado


