Umangat nang halos 30 porsiyento ang presyo ng palay noong August, na maaaring ituring na dagdag-ginhawa sa mga magsasakang sinasalubong ng mataas na gastos sa krudo, transportasyon at farm inputs, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat ng 29.9 porsiyento ang national average farmgate price ng tuyong palay sa P22.16 kada kilo mula P17.06 noong August 2025.
Bahagya naman itong bumaba ng isang porsiyento mula sa P22.39 kada kilo noong July.
“Ang mas mataas na presyo ng palay ay nagbibigay sa ating mga magsasaka ng kaunting puwang upang matugunan ang pagtaas ng gastos sa krudo, transportasyon, at mga production input,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“Maingat tayong umaasa na makatutulong ito sa kanilang pagpapasya na magtanim sa kabila ng banta ng El Niño sa mga susunod na buwan.”
Malawak ang pag-angat ng presyo sa mga pangunahing rice-producing regions.
Sa Central Luzon, tumaas ng 32 porsiyento ang average farmgate price sa P20.86 kada kilo. Umakyat naman ng 41 porsiyento sa P20.62 ang Cagayan Valley at 50 porsiyento sa P19.02 ang Calabarzon.
Pinakamalaking year-on-year increase ang naitala sa Ilocos Region, kung saan sumipa ng 54 porsiyento ang average price sa P23.57 kada kilo.
Central Visayas naman ang may pinakamataas na regional average na P28.07 kada kilo, 41 porsiyentong mas mataas kumpara noong nakaraang taon.
Pero hindi lahat ng farmers ay nakasabay sa pagtaas.
“Sa kasamaang-palad, nanatiling mababa ang farmgate prices sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat dahil sa labis na moisture na nagpababa sa kalidad ng mga aning palay,” ani Tiu Laurel.
Dumarating ang mas mataas na palay prices habang tumataas ang fuel at logistics costs at nananatiling mabigat ang production at marketing expenses ng farmers.
Naghahanda na rin ang DA sa posibleng epekto ng El Niño, partikular sa rice production.
Target ng mga hakbang na protektahan ang farm productivity, suportahan ang farmers sa panahon ng kalamidad at makatulong na mapanatiling matatag ang suplay at presyo ng bigas sakaling lumala ang kondisyon ng panahon.
Para sa DA, makatutulong ang mas mataas na farmgate prices at maagang paghahanda sa El Niño sa planting decisions ng farmers at sa pagpapatatag ng local rice production. /Bistado


