Unang beses na iniluwas ng Pilipinas ang commercial shipment ng sariwang Carabao mangoes patungong Toronto, Canada, isang bagong hakbang para palawakin ang export market ng produktong agrikultura ng bansa.
Isinagawa ang shipment noong Miyerkules, June 3, kasabay ng send-off ceremony sa Philippine Airlines cargo terminal sa Pasay City.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), itinuturing ng mga opisyal ang shipment bilang “breakthrough” para sa isa sa pinakakilalang prutas na ini-export ng Pilipinas.
Para kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., bahagi ito ng mas malawak na target ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang global market ng Philippine agricultural products.
“Isa itong hakbang tungo sa ating layunin na palawakin at pag-ibayuhin ang pandaigdigang merkado para sa ating mga produktong pang-agrikultura tulad ng saging, niyog, at mangga. Panahon na upang matikman ng iba’t ibang panig ng mundo ang yaman ng Pilipinas,” ani Tiu Laurel.
Ang shipment sa Toronto ay kasunod ng unang pagluwas ng sariwang Philippine mangoes sa Roma noong nakaraang taon.
Ayon sa DA, bahagi ito ng estratehiya ng pamahalaan para bawasan ang pagdepende ng bansa sa tradisyunal na buyers at magbukas pa ng mas maraming merkado para sa mga produktong Pinoy.
Bukod sa mangga, saging, at niyog, itinutulak din ng DA ang iba pang high-value crops tulad ng Cavendish banana, Cardaba o Saba banana, cacao, pomelo, rambutan, dalandan, pinya, okra, asparagus, pili, durian, avocado, dragon fruit, calamansi, at ube.
Sa ilalim ng pamumuno ni Tiu Laurel, itinatag ang High Value Export Crop, Agri-Fishery Export Development and Promotion Office na pinamumunuan ni Undersecretary Philip C. Young.
Ayon kay Young, patunay ang Toronto shipment na gumagana ang pagtutulungan ng gobyerno at private sector sa paghahanap ng bagong merkado para sa farmers.
“Tumutulong ang pamahalaan upang mabigyang-daan ang pribadong sektor na maipakita sa buong mundo ang mga produkto ng mga sakahan ng Pilipinas. Ito ay bunga ng isang bansang nagkakaisa at nagtutulungan,” ani Young.
Pinangasiwaan ng Philippine Agriculture Office sa Washington, D.C. ang koordinasyon ng shipment katuwang ang Philippine Consulate General sa Toronto, Philippine Trade and Investment Center sa Toronto, at mango industry stakeholders.
Ang sariwang mangga ay mula sa Philippine exporters na Hi-Las Marketing Corp. at Castillo Import Export Ventures Inc. Ang Ontario-based TSI Tropicals Inc. naman ang importer.
Ang Philippine Airlines ang magdadala ng mga mangga sa pamamagitan ng commercial air freight program nito.
Sa bagong biyahe ng Pinoy mangoes pa-Canada, umaasa ang DA na mas maraming foreign markets ang susunod na mabubuksan para sa mga magsasaka at exporters ng Pilipinas. /Bistado


