Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pinas, Japan gumagalaw para sa mas malalim na agri deal

Kumikilos ang Pilipinas at Japan para palalimin ang kooperasyon sa agrikultura, pangisdaan, teknolohiya, klima, at kalakalan bago ang state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan ngayong buwan.

Noong Lunes, May 4, pinangunahan ni Japanese Ambassador Kazuya Endo ang courtesy call kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. para pag-usapan ang mga kasunduang inaasahang itutulak sa naturang pagbisita.

Sentro ng pulong ang planong amyenda sa Memorandum of Cooperation sa agrikultura ng Pilipinas at Japan. Isasama rito ang sektor ng pangisdaan, bilang pagkilala sa papel nito sa food security, kabuhayan, at export development.

Tinalakay din ang mas malawak na kooperasyon sa teknolohiya. Inaasahang susuporta ang karanasan ng Japan sa smart agriculture, digital systems, at precision farming sa pagsisikap ng Pilipinas na pataasin ang produktibidad at i-modernisa ang food systems.

Sa ilalim ng amended agreement, bubuo ng Joint Committee on Agriculture and Fisheries para gawing mas organisado at tuloy-tuloy ang kooperasyon ng dalawang bansa.

“Pinatitibay ng pagbisitang ito ang lakas at pagpapatuloy ng ating partnership sa Japan, lalo na habang isinusulong natin ang magkakatulad na layunin sa seguridad sa pagkain, sustainability, at inobasyon,” ani Tiu Laurel. “Nagbibigay rin ito ng pagkakataon upang ihanay ang ating mga prayoridad at pabilisin ang mga inisyatibang direktang makikinabang ang mga magsasaka at mangingisdang Pilipino.”

Inaasahang matatapos at malalagdaan ang amended MOC sa state visit ni Marcos. Pinag-usapan din ang paghahanda para sa ikalawang pulong ng Joint Committee on Agriculture and Fisheries, na gaganapin sa Japan sa unang bahagi ng July.

Itinulak din ng Pilipinas ang planong paglahok sa Green X EXPO 2027 para itampok ang high-value crops, makahikayat ng pamumuhunan, at palakasin ang presensya ng bansa sa global agriculture market.

Kasama rin sa agenda ang climate cooperation sa ilalim ng Joint Crediting Mechanism. Isinusulong ng Pilipinas ang Alternate Wetting and Drying sa produksyon ng palay, isang teknik na maaaring mag-generate ng carbon credits habang pinabababa ang emissions.

Sa usaping kalakalan, inihain ng Pilipinas ang kahilingang ibaba ang taripa sa sariwang saging sa Japan. Napag-usapan din ang bagong market access para sa Philippine pomelo sa Japan at Japanese grapes sa Pilipinas. Umaasa ang dalawang panig sa pag-usad ng ongoing technical reviews.

Tinalakay din ang posibleng kooperasyon sa produksyon ng pataba, kabilang ang biofertilizers at precision agriculture technologies, para pataasin ang efficiency at pababain ang gastos sa sektor ng agrikultura. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles