May tsansa pa ang Alas Pilipinas na makapasok sa semifinals 2026 Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Cup ngunit nakasalalay ito sa dalawang laro.
Una, kailangang talunin ng Pilipinas ang Chinese Taipei sa laban nila ngayong Huwebes, June 11.
Kailangan rin manalo ng South Korea sa Chinese Taipei.
Nalagay sa bingit ng eliminasyon ang Alas Pilipinas matapos silang walisin ng South Korea, 16-25, 18-25, 22-25, noong Martes sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Iba’t-ibang kumbinasyon ang inasahan ni interim coach Shaq delos Santos — Alyssa Solomon at Tots Carlos sa unang set bago sumandal kina Alyssa Valdez, Jovelyn Gonzaga at Ces Molina, pati na rin kay Ara Galang, na unang beses pa lamang naglalaro para sa pambansang koponan at buong pusong lumaban sa ikatlong set.
Matatandaan na naging matindi ang labanan sa UAAP nina Valdez (Ateneo) at Galang (La Salle), ngunit para sa Pilipinas, sila ang nagdala ng laban sa ikatlong set.
Lumamang pa ang Pilipinas, 18-15 at 20-18, bago tumugon ang mga Korea sa pangunguna ni Kang Sowhi at napunta sa match point, 24-20.
Nakadalawa pa ang Alas sa pamamagitan nina Galang at Niña Ytang bago tinapos ni Lee Juah ang laban.
“Sayang,” ani Galang. “But I think we were able to keep up and stay close throughout the match. We just gave our best effort on that last point. It’s just unfortunate that it didn’t go our way.”
Nanguna si Kang sa South Korea sa pamamagitan ng game-high na 19 puntos upang mapanatili ang kanilang malinis na 3-0 rekord sa Pool A.
Nagdagdag sina Juah at Na Hyunsoo ng tig-12 puntos.
Bumagsak ang Alas sa 2-2.


