“Ampaw,” “walang bago,” at “waste of time watching” daw ang halos dalawang oras na video ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) laban kay dating House Speaker Martin Romualdez matapos itong ilabas ilang araw matapos maaresto si PGMN founder Franco Mabanta sa umano’y extortion case.
Inilabas ng PGMN ang video na “The Scandal That Should Finally END Martin Romualdez” nitong Linggo ng gabi, matapos sabihin ng network na ito ang episode na matagal nang hinihintay ng publiko.
Ayon sa mga awtoridad, nagbanta umano si Mabanta na ilalabas ang video na mag-uugnay kay Romualdez sa alleged irregularities sa flood control projects kung hindi matutugunan ang demands. Naaresto si Mabanta noong May 5 at nakalaya noong May 9 matapos magpiyansa ng P120,000.
Pero sinalubong ng batikos ang video mula sa ilang netizens at mga eksperto.
“Walang kwenta ‘yung ‘pasabog’ ng PGMN! Pinagtagpi-tagpi galing mainstream media. Kala ko pa naman may resibo sila talaga. Exaggerated lang yung CJ para kunyari expose talaga, pero wala naman talagang pasabog na bago!” komento ng isang online user.
“That PGMN video basically stole the painstaking work of legit investigative journalists and packaged it as an AI-infused sensationalist pile of garbage,” sabi ng isa pa.
Tinawag naman ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang video na “washed-up” effort.
“Walang bago, puro paninira pa rin, alam na ng tao ‘yan, matagal na. Sorry, pero hindi worth P350 million ‘yung video niyo…Lalo lang pinalabas niyo na pang-extort ‘yung video…” ani Rillo.
“Sorry, pero MAS MALAKAS ‘yung ebidensya na nag-EXTORT kayo ng pera kesa sa pinalabas niyong video…” dagdag niya.
Maging si PGMN anchor Greco Belgica, nagsabing wala pa siyang nakikitang “smoking gun” matapos mapanood ang video. Inilarawan niya ito bilang “clear compilation” ng news reports at interviews mula sa ibang networks.
“It’s basically that. Wala pa akong nakitang hindi ko pa alam o hindi pa alam ng publiko doon sa napanood ko sa 60 minutes,” ani Belgica.
Sa isang panayam sa ABS-CBN News, sinabi naman ni UP Journalism professor Danilo Arao na iba ang inaasahan niya sa video.
“I was expecting something explosive,” ani Arao, pero aniya, ang halos dalawang oras na video ay “rehashed items coming from news media organizations.”
“It’s hard to believe that this can be a good leverage to get P350 million,” dagdag niya.
“It’s a little bit hard to imagine unless the Romualdez camp fell for the trickery and deception committed by PGMN people.”
Sinabi ni Arao na kailangang maimbestigahan nang maayos sina Romualdez at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez kaugnay ng alleged corruption, pero binigyang-diin niyang nangyayari na ito at sumasakay lamang ang PGMN sa naunang reports ng ibang newsrooms.
Binatikos din niya ang delivery ni PGMN anchor CJ Hirro sa video.
“You’re not supposed to be using expletives and shouting that you will be the one to take [the Romualdezes] down.”
Samantala, hindi humarap si Hirro sa NBI nitong Lunes para tumalima sa subpoena kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y extortion attempt nina Mabanta at apat pang indibidwal laban kay Romualdez.
Ayon sa kanyang abogado na si Lian Cacapit, “She’s out of town.”
“She’s not hiding … She sent me here to represent her in good faith,” sabi ni Cacapit matapos magtungo sa NBI Organized and Transnational Crime Division para katawanin si Hirro at tanggapin ang subpoena.
Nauna nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na “person of interest” si Hirro dahil lumitaw siya sa sample video clip na umano’y ipinadala kay Romualdez bilang bahagi ng extortion try.
Sa hiwalay na ulat, sinabi ni Cacapit na out of town na si Hirro bago pa ang May 5 entrapment operation na nauwi sa pagkakaaresto kay Mabanta at apat na iba pa sa Pasig. Aniya, si Hirro ay “acting in good faith.”
Muling lumitaw si Hirro sa social media matapos i-deactivate ang kanyang Facebook at iba pang online accounts kasunod ng pagkakaaresto nina Mabanta.
Sa Facebook post, sinabi ni Hirro na siya ay “safe” at “very much alive.”
“Days ago, our team was given clear instructions on what we are to do in case anything happens to Franco Mabanta or anyone in our team,” sulat ni Hirro.
“I did not know what that was about, but the instructions to me were these: one, secure your family and protect the truth. Second, make sure this episode gets out there still,” dagdag niya.
Bukod sa Romualdez case, posibleng humarap pa si Hirro sa ibang reklamo. Nagsumite si Rillo ng affidavit sa NBI para hilinging magsampa ng apat na cyberlibel complaints laban sa kanya.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Romualdez na mali ang pag-frame ng PGMN sa kaso bilang usapin ng press freedom.
“Ang isyu dito ay hindi tungkol sa malayang pamamahayag. Lalong hindi ito tungkol sa karapatan ng sinuman na punahin ang gobyerno. Ang tunay na tanong: may humingi ba ng pera kapalit ng katahimikan?” ani Elaine Atienza, spokesperson ni Romualdez.
“If anyone believes he has evidence of wrongdoing by public officials, the proper course is simple: Release it, submit it to the authorities, and let the proper institutions act on it — not use it as leverage in exchange for money,” dagdag niya. /Bistado


