Nakamit ng University of Perpetual Help ang unang panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball matapos talunin ang Emilio Aguinaldo College, 83-72, sa Playtime FiLOil Centre sa San Juan City nitong Huwebes.
Nagtala si Angelo Gelsano ng 17 puntos, 10 rebounds, tatlong steal at dalawang assist upang makabangon ang Altas mula sa 77-84 pagkatalo sa Letran Knights noong Linggo.
Nagdagdag si Leobert Casinillo ng 16 puntos habang may tig-15 puntos sina Mark Gojo Cruz at Juan Tulabot.
Nag-ambag naman si Rey Maglupay ng 11 puntos, kabilang ang isang three-point shot na kumumpleto sa 9-0 run upang bigyan ang Perpetual ng 71-61 kalamangan, may anim na minuto pang nalalabi sa laro.Pinangunahan ni EJ Castillo ang EAC sa kanyang 19 puntos, limang rebound at dalawang assist, sinundan ni Harvey Raymundo na may 17 puntos at dalawang steal at Jude Bagay na may 11 puntos at apat na rebound.
“We are preparing for all the games we’ll be playing to be really close contests,” ani Gojo Cruz, na nagtala rin ng anim na assist at apat na rebounds.
“We’re grateful that we were able to execute in crunch time what we worked on during practice. We’re thankful for the win, but we hope to keep this going since the season is still long.”
Sa isa pang laro, muling nagningning si Matthew Jucom para sa De La Salle-College of Saint Benilde sa 98-82 panalo nito kontra Lyceum of the Philippines University.
Nagtala si Jucom ng 17 puntos, anim na rebound, isang assist at isang steal upang pangunahan ang ikalawang sunod na panalo ng Blazers.
Matapos pumasok sa halftime na may 57-50 kalamangan, nagpatuloy ang paglayo ng Blazers sa second half at itinala ang pinakamalaking kalamangan, 82-65, sa unang bahagi ng fourth quarter.
Nagpatuloy ang dominasyon ng Benilde kahit nakalapit ang Lyceum sa 94-82, may 1:34 pa sa orasan.
Sumunod na umiskor sina Arle Podador at Alaine Cajucom upang tuluyang selyuhan ang panalo ng Blazers.
Nagdagdag si Irele Galas ng 13 puntos para sa Blazers, habang may tig-12 puntos sina Justine Sanchez at Cajucom.
Pinangunahan ni Renz Villegas ang Pirates sa kanyang 24 puntos, habang tig-11 puntos sina Peñafiel, Roger Ondoa at transferee na si Matthew Rubico.
Minarkahan din ng laro ang pagbabalik sa NCAA ni Lyceum coach Jamike Jarin.


