Napili si Pasig City Mayor Vico Sotto bilang isa sa 24 global winners ng Bloomberg Philanthropies 2025 Mayors Challenge, kaya tatanggap ang Pasig City ng $1 million grant para sa floating parks project sa Pasig River.
Ang Mayors Challenge ay patimpalak na naghahanap ng bold at innovative solutions para mapabuti ang buhay ng residents sa mga lungsod sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Itinulak ng kompetisyon ang participating cities na lumampas sa nakasanayang paraan ng serbisyo publiko. Layunin nitong hikayatin ang city leaders na pag-isipang muli kung paano maihahatid ang core public services nang mas epektibo, mas praktikal, at may tunay na people-centered impact.
Dahil sa panalo, ang bawat winning city, kabilang ang Pasig, ay tatanggap ng $1 million grant mula sa Bloomberg Philanthropies. Kasama rin sa matatanggap ang operational support at additional funding para sa dedicated teams na tututok sa pagpapalawak ng kanilang innovations at paggawa ng mga ideya bilang pangmatagalang solusyon.
Mahigit 630 cities mula sa 33 countries ang sumali sa challenge. Sa bilang na ito, 50 lang ang umabot sa final round.
Sa Pilipinas, tatlong lungsod ang nakapasok sa final phase, Pasig, Butuan, at Manila. Pasig lamang ang napabilang sa 24 winning cities mula sa 20 bansa.
Ang winning concept ng Pasig ay nakatuon sa paglikha ng mas maraming open public spaces sa pamamagitan ng pag-transform ng barges sa Pasig River bilang floating parks.
Para masiguro ang community involvement, makikibahagi ang residents sa pag-design, paggawa, at pamamahala ng mga floating parks. Layunin nitong magkaroon ang mga Pasigueño ng ownership sa proyekto.
Unang naisabuhay ang konsepto noong late 2025 sa pamamagitan ng prototype na “Hope Float,” na binuo ng apat na barangay na nagtulungan.
Bago mapili ang winners, binuo at sinubukan ng shortlisted cities ang kanilang ideas kasama mismo ang residents. Layunin nitong matiyak na hindi lang innovative ang proposals, kundi practical at tugma sa tunay na pangangailangan ng komunidad.
Kasunod ng pagkapanalo, lumahok si Sotto sa Bloomberg CityLab 2026 sa Madrid, Spain mula April 27 hanggang 29, 2026. Dumalo rin sa Global Cities Summit ang higit 100 mayors mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ginanap ang CityLab sa kolaborasyon ng Bloomberg Philanthropies at Aspen Institute. Tampok dito ang panels, discussions, at interactive events tungkol sa paraan ng pagtugon ng city governments sa mga bagong hamon sa pamamahala.
Noong April 29, nagtipon ang winning cities sa Bloomberg CityLab sa Madrid para talakayin kung paano isasagawa ang kanilang innovations gamit ang grant mula sa Bloomberg Philanthropies.
Bilang kinatawan ng Pasig, naging bahagi si Sotto ng Mayors Innovation Studio component ng CityLab at naimbitahang maging panelist sa breakout session na “Reimagining Rivers.” /Bistado


