Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Panukalang ‘Sagip Bata Act’ itinulak matapos ang 3 school shootings

Iginiit ni Sen. Risa Hontiveros ang agarang pagpasa ng panukalang Sagip Bata Act kasunod ng pinakahuling pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, habang itinutulak ang mas malakas na kapangyarihan ng law enforcement laban sa online grooming at recruitment tungo sa karahasan.

“Huwag po natin payagan na masabotahe ang pagpasa ng batas na ito. We cannot afford to delay any longer. Habang hindi ito napapasa, napipilayan ang ating mga law enforcers sa pagpigil sa pagkalat ng NVE sa bansa,” giit ni Hontiveros.

Tinutukoy ng senador ang nihilistic violent extremism (NVE), partikular ang mga aktibidad na nagaganap online.

Sa ilalim ng panukala, pahihintulutan ang mga imbestigador na humahawak ng NVE cases na pormal na humiling ng subscriber at traffic data. Saklaw din nito ang online intelligence-gathering at undercover operations.

Palalakasin din ang koordinasyon sa foreign law-enforcement agencies para sa mga imbestigasyong sangkot ang online platforms at users na nasa labas ng Pilipinas.

Kasama rin sa panukala ang age assurance at age verification, pati karagdagang compliance requirements para sa technology platforms.

Oobligahin din ang online platforms na magtalaga ng legal representative na nakabase sa Pilipinas. Siya ang tatanggap ng subpoenas, takedown at blocking orders, requests para sa account information, at iba pang lawful directives.

“Huwag nating hayaang pakalat-kalat lang ang mga groomers online nang walang takot. Ipakita natin na mahuhuli sila at mananagot sa kasamaang dinudulot nila sa ating mga anak,” ani Hontiveros.

“These groomers have to pay the price,” dagdag niya.

Layunin ng Sagip Bata Act na palakasin ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Act at tugunan ang mga umuusbong na online threats, kabilang ang NVE.

Ayon kay Hontiveros, kabilang ang panukala sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council. Inaasahan niyang mabilis ang magiging pag-usad nito kapag nakalusot na sa Senado.

“May responsibilidad tayo na protektahan ang ating kabataan, at wala tayong dapat ipagpaliban pa,” giit ni Hontiveros. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles