Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Paalala ng DOH: Magsuot ng N95 mask, iwas muna sa outdoor activities dahil sa Indonesia haze

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng N95 face mask at limitahan ang outdoor activities dahil sa haze mula sa forest fires sa Kalimantan, Indonesia na umabot na sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.

Ayon sa DOH nitong Martes, nadala ng Southwest Monsoon o habagat sa bansa ang haze, na binubuo ng maruming hangin na may halong pinong usok, alikabok, at abo.

Nagbabala ang ahensya na maaari itong magdulot ng acute respiratory problems at irritation sa mata.

“Maaaring magdulot ang haze ng hirap sa paghinga, pag-ubo, pananakit ng dibdib, pangangati o pagluluha ng mga mata, at paglala ng mga sakit sa baga tulad ng hika. Dobleng pag-iingat ang kailangan para sa mga bata, matatanda, at mga may dati nang sakit sa baga o puso,” ayon sa DOH.

Para mabawasan ang exposure, pinayuhan ang mga residente sa apektadong lugar na manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari at isara ang mga puwang na maaaring pasukan ng maruming hangin.

Dapat ding mag-ingat sa pagmamaneho at magsuot ng N95 mask kapag lalabas.

Kung walang N95 mask, sinabi ng DOH na maaaring gumamit ng basang panyo o tela. Maaari ring mag-double mask o tupiin nang dalawang beses ang panyo o tela bilang alternative protection para mabawasan ang malalanghap na particles.

“Alamin ang lagay ng hangin sa inyong lugar at unahin ang kaligtasan,” paalala ng DOH.

Para sa nangangailangan ng agarang medical assistance, maaaring tumawag sa National Emergency Hotline 911. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles