Nasabat ng Department of Agriculture (DA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang P5.19 milyong halaga ng undocumented imported meat products sa Pasay City, habang dalawang Chinese national ang naaresto.
Umabot sa 11.5 metriko tonelada ang nakumpiskang karne sa isang property sa C.A. Lucban Street sa operasyon noong September 22 hanggang 23.
Kabilang sa mga narekober ang Peking duck, kalapati, tupa, yellow chicken, itim na manok at iba pang frozen meat products.
Ayon sa DA, nakumpirma ng National Meat Inspection Service (NMIS) na hindi accredited ang LCCI Food Condiments Trading at Sitphin Sari-Sari Store. Hindi rin umano nakarehistro ang mga ito sa local government bilang meat cold-storage warehouse o meat depot.
Kumuha muna ang NBI ng search warrants mula sa Regional Trial Court ng Pasay City bago ang operasyon. Tumulong ang NMIS sa inspeksyon, identification, documentation at inventory ng mga nakumpiskang produkto.
Naaresto sina Wu Dun Han at Cai Huarong at dinala sa Pasay City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.
Iniuugnay ang kaso sa umano’y paglabag sa Section 48(c) ng Republic Act No. 9296 o Meat Inspection Code of the Philippines, na inamyendahan ng Republic Act No. 10536. Sakop nito ang pagbebenta, pagbiyahe o pamamahagi ng meat products na hindi dumaan sa kinakailangang inspection.
“Hindi nagtatapos sa pagmamanman ang aming responsibilidad. Kapag ang mga produktong karne ay hindi dokumentado o hindi sumailalim sa tamang inspeksyon, kailangan nating kumilos alinsunod sa batas upang maprotektahan ang mga mamimili at mapanatili ang integridad ng meat supply chain,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Dinala ang mga nakumpiskang produkto sa Supima Cold Storage sa Meycauayan, isang NMIS-accredited facility, habang hinihintay ang disposition order ng korte.
Itatapon naman, alinsunod sa umiiral na patakaran, ang anumang meat products na mapatutunayang hindi ligtas para sa human consumption.
Hinimok ng NMIS ang publiko na bumili lamang sa lehitimo at awtorisadong sources at tiyaking may tamang inspection marks, labels at dokumentasyon ang karne. /Bistado


