QUEZON – Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang pinagmulan ng limang tape-sealed plastic bags na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang cocaine matapos itong kusang i-turn over sa Patnanungan Municipal Police Station noong May 16.
Ayon sa PNP, isang 52-anyos na lalaki na residente ng Barangay Busdak, Patnanungan, Quezon ang kusang nagsuko ng mga bag sa pulisya.
Tumimbang ang mga narekober na substance ng humigit-kumulang 6,514.7 grams.
Tinatayang nasa P34,528,387.00 ang Standard Drug Price ng mga ito.
Agad namang siniguro ng PNP personnel ang mga item matapos itong matanggap.
Inihanda rin ang mga ito para isumite sa Quezon Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination.
Layunin ng pagsusuri na matukoy ang chemical composition ng substance at makumpirma kung cocaine nga ang laman ng mga bag.
Patuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng PNP para tukuyin ang source ng suspected illegal drugs.
Tinitingnan din ng pulisya kung may posibleng network na sangkot at kung paano napunta ang mga item sa lalaki na nagsuko nito sa awtoridad. /Bistado


