WESTERN VISAYAS – Umabot sa P17.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa magkakasunod na anti-illegal drug operations sa Western Visayas sa loob ng 24 oras.
Ayon sa PNP, 11 indibidwal ang naaresto at mahigit 2.5 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska.
Pinakamalaki ang nasabat ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6, na nakaaresto ng tatlong high-value individuals at nakarekober ng humigit-kumulang 2,055 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13.97 million.
Sa Iloilo, tatlong magkakahiwalay na operasyon ng Provincial Police Office ang nauwi sa pagkakaaresto ng pitong indibidwal, kabilang ang dalawang high-value individuals at limang street-level individuals.
Nasabat din sa Iloilo ang humigit-kumulang 465 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.16 million, kasama ang drug paraphernalia at marked money na ginamit sa operasyon.
Sa Capiz, isang street-level individual naman ang naaresto sa operasyon ng Provincial Police Office.
Narekober mula sa suspek ang humigit-kumulang isang gram ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
Ayon sa PNP, ipinaalam sa lahat ng naaresto ang kanilang constitutional rights at sumasailalim na sila sa kaukulang legal processes.
Inihahanda na ang mga kaso laban sa kanila dahil sa paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. /Bistado


