Nagwagi si pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena ng kanyang ikalawang gintong medalya sa outdoor season matapos pagharian ang Raiffeisen Austrian Open Eisenstadt sa Leichtathletik Arena nitong Huwebes (oras sa Pilipinas).
Nilabanan ng two-time Olympian ang mahangin na kondisyon at lumundag ng 5.75 metro upang manguna sa kompetisyon.
Nalampasan din niya ang dati niyang season-best outdoor performance na 5.74m na naitala niya sa Flight Circus event sa Dusseldorf, Germany noong nakaraang buwan na nagresulta sa silver medal.
Nabura rin nito ang dalawang taong meet record na 5.74m ni Austin Miller ng Amerika.
Ang pilak ay napunta sa Briton na si Owen Heard sa countback matapos nilang parehong malundagan ng Czech na si Dan Barta ang 5.55m.
“After many, many, many runs and third attempts, we needed to call it a night after 11 p.m. Thank you very much for having (me),” ayon sa post ni world No. 14 Obiena sa Facebook.
Nilaktawan ni Obiena ang unang tatlong taas at dumiretso sa 5.45m.
Hindi na nya tinangkang lundagan ang 5.55m at diretso na sa 5.65m, na nalampasan niya sa ikatlong pagtangka.
Nalampasan nya ang winning height na 5.75m sa ikatlo ring pagsubok.
Ang tagumpay ay ikalawang sunod na gintong medalya ng 28-anyos na si Obiena matapos magwagi sa Czeslaw Cybulski Memorial sa Poznań, Poland noong Lunes.
Noong Hunyo, sinimulan ni Obiena ang 2026 season sa pagsungkit ng pilak sa Dusseldorf. Sinundan ito ng isa pang torneo sa Doha, Qatar ngunit hindi sya pinalad.
“What a surprise to have Filipinos screaming in the crowd. Maraming maraming salamat po sa pagsubaybay,” ani Obiena sa suportang nakuha sa Doha.


