PULILAN, Bulacan – Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2026 National Kick-Off ng School-Based Feeding Program at Milk Feeding Activity sa Pulilan, Bulacan, kasabay ng pagtutok ng administrasyon sa nutrisyon ng mga bata at suporta sa mga lokal na magsasaka, dairy farmers, kooperatiba, at supplier.
Ginanap ang pambansang paglulunsad sa Pulilan Central School, kung saan may 775 mag-aaral na benepisyaryo ng School-Based Feeding Program (SBFP). Kasama ng Pangulo sina Education Secretary Sonny Angara, Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., at mga opisyal mula sa iba pang katuwang na ahensya.
“Huwag na natin piliin kung sino ang dapat bigyan…lahat ay pakakainin na natin,” sabi ni Marcos.
Ayon sa Pangulo, pinalawak ang feeding program dahil maraming mag-aaral ang kailangang matulungan para makapag-aral nang maayos.
“Alam n’yo po, meron tayong feeding program noon pero kulang-kulang dahil namimili pa tayo kung sino ang kulang ang pagkain, hindi nakakain ng mabuti, kaya’t hindi makapag-aral ng mabuti. Natuklasan naman namin na karamihan naman ay dapat talaga pakainin na lang natin. Huwag na natin piliin kung sino ang mga dapat bigyan at sino ang hindi kasama sa feeding program,” sabi niya.
“Ito ay sa buong kasaysayan ng Pilipinas, hindi pa natin nagagawa ito, kaya ako ay natutuwa na mabuksan ngayon ang ating nationwide feeding program,” dagdag ng Pangulo.
Bagama’t sa Pulilan ginanap ang launch, sinabi niya na sabay itong ipinatutupad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Hindi lang po nangyayari ito dito lamang sa Pulilan kundi sa buong Pilipinas,” sabi ni Marcos.
Binigyang-diin niya na layunin ng programa na alisin ang gutom bilang hadlang sa pag-aaral.
“Alam naman natin na kung minsan, ang nagiging dahilan kung bakit hindi makapag-aral nang mabuti ang mga kabataan ay kulang sa pagkain. Kaya tinanggal na natin ang problemang iyan para tiyak tayo na lahat ng mga pumapasok na nag-aaral ay hindi na kailangang alalahanin ang kanilang kakainin. Ang pamahalaan na ang tutulong at ang pamahalaan na ang magpapakain,” sabi niya.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), inilalagay ng programa ang agrikultura sa sentro ng kampanya laban sa malnutrition sa pamamagitan ng P3-bilyong milk feeding program, na titiyak din ng merkado para sa gatas mula sa local dairy farmers.
Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang buong suporta ng DA sa pagpapatupad ng SBFP, kasabay ng paglagda sa Joint Administrative Order (JAO) para sa Milk Feeding Program.
Sa ilalim ng Sagip Saka Law, kukunin ang gatas para sa public schools mula sa local dairy farmers, cooperatives, at milk processors. Mahigit P3 billion ang inilaan para sa pagbili ng lokal na gatas, kung saan direktang makikinabang ang 113 kooperatiba ng dairy farmers at milk processors.
“Marami pa ring Pilipino ang nakaaalala sa Nutribun bilang simbolo ng paglaban ng isang henerasyon sa gutom at paghahangad ng mas mabuting nutrisyon. Ngayon, isinusulat natin ang susunod na kabanata. Sa pagkakataong ito, bibigyan natin ng sustansya ang kabataan sa pamamagitan ng sariwa at lokal na gatas. Isa itong hakbang na nagbibigay rin ng mas maraming oportunidad sa ating mga magsasaka,” ani Tiu Laurel.
“Sa huli, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng programang ito ay hindi ang milyun-milyong baso ng gatas na maipamamahagi, kundi ang mas malulusog na batang Pilipino, ang mga pamilyang magsasaka na aangat ang kabuhayan, at ang mas maliwanag na kinabukasang sama-sama nating binubuo,” dagdag niya.
Pinagtitibay ng JAO ang pagtutulungan ng DA, Department of Education (DepEd), National Dairy Authority (NDA), Philippine Carabao Center (PCC), local government units, at iba pang stakeholders para palakasin ang feeding program at mapabuti ang kalusugan, paglaki, at kakayahan ng learners.
Ayon kay NDA Administrator Atty. Marcus Antonius T. Andaya, ang pinakamalaking bentahe ng programa ay ang siguradong demand para sa lokal na gatas.
“Ang demand ang pinakamalakas na insentibo para mamuhunan ang ating mga magsasaka. Kapag alam nilang may siguradong pamilihan para sa kanilang gatas, mas handa silang palawakin ang produksyon, pagandahin ang kalidad ng kanilang mga alagang hayop, at pagbutihin ang kanilang operasyon. Ang programang ito ang magsisilbing matibay na pundasyon ng isang mas matatag at mas kompetitibong lokal na industriya ng dairy,” ani Andaya.
Sinabi rin ni Marcos na inuuna ng gobyerno ang local suppliers at local products sa feeding program at iba pang programa ng pamahalaan.
“Yung mga local na supplier, iyon po ang inuuna namin. Hindi kami bumibili sa malalaking grocery. Hangga’t maaari, lahat ng ibinibigay ng pamahalaan, hindi lamang dito sa feeding program pati sa DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno, inuuna pong bilhin ang mga lokal na produkto,” sabi niya.
“Mula ngayon, garantisado na ang kanilang merkado dahil dito namin dadalhin para ipakain natin sa ating mga kabataan,” dagdag ng Pangulo.
Bukod sa supply ng sariwang gatas sa pamamagitan ng NDA, pinalalakas din ng DA ang school gardening initiatives para isulong ang mas malusog na pagkain at patibayin ang ugnayan ng schools, farms, at local food systems.
“Ang programang ito ay para sa mas malusog na Batang Pilipino, mas maunlad na lokal na industriya ng dairy, at mas masaganang Bagong Pilipinas,” ani Tiu Laurel.
“Ang pinakamahalaga sa ating mga buhay ay ang ating mga anak. Kaya iyan ang inuuna natin na alagaan—na sila ay makakain nang maganda, maging masustansya ang kanilang kinakain, ligtas sa sakit, at makapag-aral nang mabuti,” sabi ng Pangulo.
“Marami tayong ginagawa para binabago natin ang pag-aaral para masasabi natin na hinanda na natin ang ating mga kabataan para sa kanilang kinabukasan at sa kinabukasan ng Pilipinas,” dagdag niya. /Bistado


