Sumampa na sa 77 ang bilang ng nasawi sa sunog na tumupok sa MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan matapos mamatay sa ospital ang isang crew member na una nang nasagip sa trahedya.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), idineklarang patay ang crew member sa Culion Sanitarium and General Hospital dakong alas-11:34 ng umaga nitong Martes.
Dahil dito, bumaba sa 43 ang bilang ng survivors habang 12 katao ang nananatiling nawawala mula sa 132 indibidwal na nakalista sa ticket manifest ng barko.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCG sa mga kinauukulang awtoridad para sa recovery operations at imbestigasyon sa insidente.
Nasunog ang MV June Aster noong Miyerkules, September 9, habang bumibiyahe mula Batangas patungong Coron.
Nauna namang kusang lumutang at humarap sa mga awtoridad nitong Lunes ang kapitan ng barko na si Roel Sarmiento, na naiulat na nawawala mula nang sumiklab ang sunog.
Hinarap ni Sarmiento ang pagtatanong ng mga awtoridad tungkol sa kanyang kinaroroonan matapos ang insidente.
Inatasan din ng PCG ang operator ng barko na Atienza Interisland Ferries Inc. na kumuha ng salvor para tumulong sa siphoning operations at suriin ang structural integrity ng nasunog na vessel. /Bistado


