Inumpisahan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang unang hakbang upang maresolba ang krisis sa pamumuno ng volleyball matapos pamunuan ang isang pagpupulong na humantong sa pagbitiw sa puwesto ng lahat ng miyembro ng board ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
“That’s the first step and they all agreed to resign,” ani POC president Abraham Tolentino matapos ang pagpupulong sa Parañaque City nitong Lunes.
Dumalo sa pagpupulong ang halos 40 dating miyembro ng board at iba pang stakeholder.
Ang POC ang nagsisilbing “caretaker” ng lahat ng aktibidad ng pambansang volleyball federation matapos suspindihin ng International Volleyball Federation (FIVB) ang PNVF noong Mayo dahil sa mahinang pamamahala.
“In accordance with Article 13.1.1 of the FIVB Disciplinary Regulations, the FIVB Board of Administration has been obliged to suspend the Philippine National Volleyball Federation (PNVF) with immediate effect. The decision follows serious governance concerns and multiple purported violations of the FIVB Code of Ethics which are currently under investigation by the independent FIVB Ethics Panel,” ayon sa pahayag ng FIVB.
Sinundan ito ng katulad na parusa mula sa Philippine Sports Commission at POC.
Napagkasunduan sa pagpupulong ang pagbuo ng bagong 13 miyembro ng PNVF board na kinabibilangan ng mga kinatawan ng mga atleta (beach volleyball para sa kababaihan at volleyball para sa kalalakihan), gayundin ang mga pangunahing collegiate league — University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA) — upang tugunan ang panawagan na pahintulutan ang kanilang mga atleta na maglaro para sa mga pambansang koponan.
Inalis din ang posisyon ng chairperson, magkakaroon ng puwesto ang POC sa board at ang secretary-general ay itatalaga ng pangulo sa panahon ng pagpupulong.
“This is to introduce inclusivity and, more importantly, that the stakeholders prioritize the call of the national team,” dagdag pa ni Tolentino.
Aprubado na ang lahat ng mga amyenda sa konstitusyon ng PNVF.
Muling magpapatawag ang POC ng isa pang pagpupulong sa Agosto 10 upang talakayin ang mga susunod na hakbang tungo sa halalan ng pederasyon.


