Masusing iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang pag-iwan ng limang walang lamang kabaong na may anti-China at anti-communist messages sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila madaling-araw noong Biyernes, August 7.
Natagpuan ang mga kabaong sa Sta. Cruz, Manila; Barangay 54, Caloocan City; Barangay South Triangle at Barangay Sta. Teresita sa Quezon City; at Sen. Gil Puyat Avenue sa Makati City, sa tapat ng Chinese Embassy.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), sinadyang iwan ng mga nakamaskarang indibidwal ang mga kabaong gamit ang mga gray at white na van sa pagitan ng 2 a.m. at 4 a.m.
“The caskets were deliberately abandoned by perpetrators wearing masks on board gray and white vans at around 2:00 to 4:00 in the morning of August 7, 2026. These caskets contained anti-CPP-NPA and anti-China messages,” pahayag ng NCRPO.
Tinutukoy nito ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Walang bangkay na nakita sa mga kabaong. Ayon sa mga awtoridad, crumpled papers lamang ang laman ng mga ito. May nakakabit ding mga larawan ng Chinese leaders at red flags na may mga mensaheng laban sa China at Chinese Communist Party. Sa kabaong sa Makati, nakita ang mga salitang “greedy” at “salot.”
Nakunan ng closed-circuit television (CCTV) ang isang van na huminto sa tapat ng Sta. Cruz Church makalipas ang 2 a.m., kung saan tatlong tao ang nagbaba ng kabaong.
Bandang 2:27 a.m., isa pang kabaong ang iniwan sa Boy Scouts Monument sa Barangay South Triangle. Ayon sa barangay officials, galing ito sa white van na walang plaka.
Ayon kay NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin, natukoy na ang ilan sa mga sasakyan at taong sangkot.
“Tuloy-tuloy po yung conduct po investigation po natin. May na-identify po tayo na mga sasakyan na ginamit and we have the plate numbers. May mga mukha po tayo kasi yung isang babae wala pong takip yung mukha niya at the same time yung mga kasama po,” ani Aberin.
Iniimbestigahan din ang pinagmulan ng mga kabaong. Maaaring maharap ang mga sangkot sa reklamong malicious mischief, alarms and scandals at defamation.
Bumuo naman ang Quezon City Police District (QCPD) ng Special Investigation Team. Nagsasagawa ang NCRPO ng backtracking at forward tracking ng CCTV footage.
Kinondena ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang insidente.
“The Department of Foreign Affairs does not condone acts or threats of violence against any individual, including foreign nationals or officials. Such irresponsible and disrespectful acts cannot be tolerated,” pahayag nito.
Binigyang-diin ng DFA na bagama’t kinikilala ang freedom of expression, hindi ito saklaw ang threats of violence o mga kilos na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng iba. Hindi rin umano kumakatawan ang insidente sa paraan ng pamahalaan sa foreign relations o sa paraan ng mga Pilipino sa pagpapahayag ng kritisismo.
Muling tiniyak ng DFA ang obligasyon ng pamahalaan na protektahan ang foreign nationals at officials sa ilalim ng Vienna Convention on Diplomatic Relations at Vienna Convention on Consular Relations.
Nasa police custody na ang mga kabaong at iba pang nakuhang materyales habang tinutukoy ang pinagmulan, layunin at posibleng nilabag na batas o local ordinances.
Hinimok ng PNP ang publiko na umiwas sa pagpapakalat ng unverified claims at tumawag sa Unified 911 o lumapit sa pinakamalapit na police station kung may impormasyong makatutulong sa imbestigasyon. /Bistado


