Patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Mayon, Kanlaon, Bulusan, at Taal matapos ang naitalang serye ng volcanic activity sa mga bulkan na ito sa nakalipas na araw.
Sa inilabas na volcano bulletins ngayong July 1, lumalabas na pinakamataas ang alerto sa Mayon Volcano sa Albay, na nananatili sa Alert Level 3, o “Intensified Unrest / Magmatic Unrest.”
Batay sa bulletin, nakapagtala ang Mayon ng sulfur dioxide flux na 2,106 tonnes kada araw noong June 30, habang umabot sa 300 meters above the crater ang plume.
Nananatili namang nasa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano sa Negros Island. Nakapagtala ang Phivolcs ng 35 volcanic earthquakes sa bulkan at sulfur dioxide flux na 3,762 tonnes kada araw.
Sa Bulusan Volcano sa Sorsogon, nakataas pa rin ang Alert Level 1. Naitala ng Phivolcs ang 58 volcanic earthquakes, sulfur dioxide flux na 138 tonnes kada araw mula noong June 26, at plume na 100 meters tall na may moderate emission at northwest and east drift.
Sa Taal Volcano sa Batangas, nananatili rin ang Alert Level 1. Naitala ng Phivolcs ang 19 volcanic earthquakes, kabilang ang limang volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang 10 minuto.
Nakapagtala rin ang Taal ng sulfur dioxide flux na 881 tonnes kada araw mula noong June 25, habang ang plume ay umabot sa 1,200 meters tall at classified bilang moderate emission.
Iba-iba ang antas ng aktibidad ng apat na bulkan, pero walang dapat ikampante ang mga komunidad sa paligid ng mga ito, ayon sa Phivolcs.
Pinapaalalahanan ang mga residente at local officials sa paligid ng mga aktibong bulkan na manatiling nakatutok sa mga opisyal na advisory ng Phivolcs at mga lokal na disaster risk reduction and management offices, lalo na kung may biglaang pagbabago sa volcanic activity. /Bistado


