Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Marcos binuksan ang Metro Manila sa bagong IT ecozones

Aabot sa 1.2 milyong metro kuwadrado ng bagong PEZA office space ang maaaring mabuksan sa Metro Manila sa susunod na limang taon matapos alisin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pitong taong moratorium sa mga bagong information technology parks at centers.

Sa ilalim ng Administrative Order No. 45, inatasan ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na muling tumanggap, magproseso at magsuri ng lahat ng aplikasyon para sa IT centers at parks sa National Capital Region.

Nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto ang kautusan noong Hulyo 23.

IT economic zones lamang ang saklaw ng exemption. Mananatili ang moratorium sa iba pang uri ng ecozone sa Metro Manila.

Inamyendahan ng AO 45 ang AO 18 na inilabas noong Hunyo 2019 upang ilipat sa mga lalawigan ang mas maraming pamumuhunan. Bagama’t pinayagan ng AO 11 noong 2023 ang muling paghahain ng ilang aplikasyon na may prequalification clearance bago ipatupad ang moratorium, marami pa ring proyekto ang hindi nakapag-apply.

“By reopening the NCR (National Capital Region) to new IT ecozones and targeted expansion, we are addressing long-standing investor demand, unlocking significant real estate opportunities, and revitalizing the ecosystem that drives our country’s digital economy,” ani Trade Secretary Maria Cristina Roque.

Ayon sa property consultancy na Colliers, may 7.9 milyong metro kuwadrado ng PEZA office stock sa Metro Manila, kung saan 1.46 milyong metro kuwadrado ang bakante. Gayunman, 496,000 metro kuwadrado lamang nito ang nasa pangunahing business districts tulad ng Makati, Bonifacio Global City at Ortigas Center.

Tinatayang 681,000 metro kuwadrado ng opisina na kasalukuyang sumasailalim sa PEZA processing o application ang maaaring maidagdag kapag naaprubahan.

Mula 2026 hanggang 2030, nasa 607,000 metro kuwadrado ng office developments ang PEZA-proclaimed na, habang 604,000 metro kuwadrado pang planong proyekto ang maaaring maging kuwalipikado sa ilalim ng bagong patakaran. Pinagsama, katumbas ito ng humigit-kumulang 1.2 milyong metro kuwadrado.

“Allowing the processing and evaluation of applications for the establishment of IT centers and parks will attract more investors, generate more employment, and strengthen Metro Manila’s position as the leading information and communications technology hub in the country,” nakasaad sa AO 45.

Kabilang sa mga posibleng aplikante ang Arca South ng Ayala Land sa Taguig at Bridgetowne ng Robinsons Land sa Quezon City.

May 1,262 IT-BPM enterprises at 1.06 milyong manggagawa ang kasalukuyang nasa PEZA. Target naman ng ahensiya ang 30 ecozone proclamations ngayong 2026.

Ang mga kumpanyang nasa PEZA-registered ecozones ay maaaring makinabang sa duty-free importation, pinasimpleng proseso at tax holidays. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles