Mahigit 20 dayuhan at lokal na institusyon ang nagkomit na lumahok sa planong initial public offering (IPO) ng Mynt, ang kompanyang nasa likod ng GCash.
Ayon sa Mynt, ang pinagsamang halaga ng kanilang mga pangako ay inaasahang sasaklaw sa halos buong bahagi ng alok na nakalaan sa institutional investors. Maaari pang magbago ang alokasyon ng shares.
Kabilang sa mga dayuhang investor ang mga pondong pinamamahalaan ng mga subsidiary ng BlackRock, Capital Research and Management Company, International Finance Corporation, Lazard Asset Management at T. Rowe Price. Kasama rin ang Albizia Capital, Amundsen Investment Management at HSBC Global Asset Management (UK).
Ayon sa Mynt, ito ang unang cornerstone investment commitment sa Pilipinas ng huling tatlong nabanggit. Una naman itong paglahok bilang cornerstone investors sa Southeast Asia ng Ninety One North America at Ninety One UK.
Sa mga lokal na institusyon, kabilang ang ATRAM Trust Corporation, BPI Asset Management and Trust Corporation, China Bank Capital Corporation, Metrobank Bank & Trust Company – Trust Banking Group, Philequity Management, Inc. at RCBC Capital Corporation.
“We believe this reflects confidence in our position as the nation’s number one finance super app,” sabi ni Mynt president at CEO Martha Sazon.
Naaprubahan na ng Philippine Stock Exchange ang aplikasyon ng Mynt para sa IPO.
Inaasahang itatakda ang pinal na presyo ng shares sa October 1 matapos ang bookbuilding. /Bistado


