Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

LPA sa silangan ng Luzon, bantang maging tropical depression

Mataas ang posibilidad na maging tropical depression sa loob ng 24 oras ang low-pressure area (LPA) na binabantayan sa malayong silangan ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Huling namataan ang LPA sa layong 1,740 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon alas-2 ng hapon nitong Huwebes, August 13.

Nasa labas pa ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa weather update na inilabas ng Pagasa alas-4 ng hapon.

Nagiging tropical depression ang isang LPA kapag nakabuo ito ng closed circulation at may hanging umaabot sa 61 kilometro kada oras. Bibigyan lamang ito ng lokal na pangalan kapag pumasok sa PAR.

Samantala, patuloy na hahataw ang southwest monsoon o Habagat sa ilang bahagi ng Luzon.

Sa Weather Advisory No. 48 na inilabas alas-5 ng hapon nitong Huwebes, sinabi ng Pagasa na posibleng makaranas ang Zambales, Bataan at Occidental Mindoro ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan hanggang Biyernes ng hapon, August 14.

Inaasahan ding babalik ang kaparehong dami ng ulan sa tatlong lalawigan mula Sabado ng hapon hanggang Linggo ng hapon, August 16.

Nagbabala ang Pagasa na maaaring mas malakas ang ulan sa matataas at mabundok na lugar. Posible ring lumala ang epekto nito sa mga lugar na nakaranas na ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Ilang araw nang binabasa ng Habagat ang malaking bahagi ng Luzon.

Umabot na sa 21 ang naiulat na nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng pinalakas na habagat at mga bagyong Luis at Maymay, batay sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Huwebes ng umaga. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles