LEGAZPI CITY – Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) Bicol nitong Huwebes ang isang consultancy firm matapos umanong maaktuhang nagsasagawa ng recruitment para sa trabaho sa ibang bansa kahit walang lisensya.
Sinilbihan ng closure order ang Cander Visa Consultancy Services matapos ang surveillance at entrapment operation ng mga awtoridad.
Ayon kay DMW-Bicol Director Jeena Paclibar-Laceda, nagsimula ang monitoring sa advertisement na inilagay sa Facebook at ipinalabas sa isang radio station.
Inaanyayahan sa orientation tungkol sa overseas employment ang mga nurse, caregiver, speech pathologist, physiologist at iba pang gustong magtrabaho sa ibang bansa.
“Through a surveillance order, we conducted an initial surveillance on June 12, and based on our findings, there were illegal recruitment activities. We then conducted a confirmatory surveillance with the Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), which again confirmed the illegal recruitment,” ani Paclibar-Laceda.
Nagsagawa ang DMW ng unang surveillance noong June 12. Sinundan ito ng confirmatory surveillance katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Isinagawa naman ang entrapment operation noong June 19. Nauwi ito sa pagsasampa ng kaso laban sa isa sa mga tauhan ng establisimyento.
Sinabi ni DMW Assistant Secretary for Adjudication Services and Regional Operations Jerome Alcantara na walang lisensya mula sa ahensya ang Cander.
“Under our law, no one can recruit workers unless licensed by the Department of Migrant Workers. Cander is not licensed. Any recruitment activity, such as canvassing, enlisting, transporting, or offering overseas jobs for a fee without a license, is prohibited,” aniya.
Natukoy umano sa imbestigasyon na sinisingil ang mga aplikante ng paunang P10,000. Umaabot naman sa P350,000 ang karagdagang bayarin habang nagpapatuloy ang recruitment process.
Ayon kay Alcantara, korte ang magpapasya sa criminal case. May kapangyarihan naman ang DMW na ipasara ang mga establisimyentong natuklasang sangkot sa illegal recruitment.
Humigit-kumulang 100 establisimyento na ang ipinasara sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Hindi pa kasama rito ang rescue operations para sa overseas Filipino workers (OFWs) na natagpuan sa ilegal at hindi makataong matutuluyan sa ibang bansa.
Pinayuhan ng DMW ang aspiring OFWs na makipagtransaksyon lamang sa licensed recruitment agencies. Dapat ding iwasang magbayad ng placement o processing fees nang walang beripikadong job offer at pirmadong employment contract.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa paggamit ng tourist o student visa para magtrabaho sa ibang bansa.
“We urge the public to be wise and not be deceived. Deal only with recruitment agencies licensed by the Department of Migrant Workers,” ani Alcantara. /Bistado


