Marami ang humihikayat kay Kris Aquino na sampahan ng kaukulang kaso o mga kaso ang Machong Chismisan podcast at mga komedyanteng hosts nitong sina Tito Patrioto, Ingo Mar at Makoy Pare, kasama na ang Pod Production.
Nauna ng nagpahayag ng pagkadismaya si King of Talk Boy Abunda sa kanyang programa right after sumabog sa socmed ang usapin hinggil sa panlalait ng podcaster na si Tito P kay Josh Aquino, anak ni Kris.
Hindi napigilan ni Boy na kumbinsihin on air ang kaibigang si Kris at naging tatay-tatayan din ng mga anak nito na sampahan ng kaso ang mga nagsamantala sa kalagayan ni Josh.

Ginawa kasing subject ng podcast ang mag-iinang Kris- Josh at Bimby at sa naging palitan nila ng kanilang fun at humor kuno ay nilait nga si Josh na kilala naman ng madla na isang taong may special na kundisyon o disability.
Bukod sa mga ordinaryong madla na nagbigay ng kanilang mga galit na galit na saloobin, marami ding mga naging interesado ang mga dalubhasa gaya ng mga lawyers, teachers, media practitioners at bloggers ang sumama at tila bumubuo pa ng grupo upang patawan ng “class suit” ang mga nambiktima sa walang kalaban-laban na anak ni Kris.
Sa mundo ng showbiz ay dumagsa ang mga celebrities na nagpahayag ng kanilang suporta kay Josh at pagdamay kay Kris.
Ilan nga diyan sina Michael Leyva, Carlo Aquino, Paolo Contis, Ogie Diaz, Loi Villarama, Darla Sauler, Dani Barretto, Pia Magalona, Awra Briguela, Mark Leviste, John Lapus, Bianca Gonzales, at napakarami pang iba.
Ang ilan din sa mga celebrities na may mga kapamilyang may ADHD, nasa spectrum ng autism, may iba pang special needs at kundisyon sa mental at pisikal na pagkatao ay tahasan ding nagbigay ng kanilang mainit na saloobin laban sa mga tila walang pusong podcasters.
Ilan nga diyan sina Jennylyn Mercado-Dennis Trillo, Candy Pangilinan, Katrina Halili-Kris Lawrence, Matthew Mendoza, at iba pa.

Samantala, may nagbalita namang kahit ang ex-husband ni Kris na si James Yap na isa ngayong Konsehal sa San Juan City at tatay ni Bimby ay may balak ding maghabla sa mga naturang podcaster at produksyon nito, bilang suporta sa itinuring din niyang anak na si Josh.


