Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Kamara, kayang pagsabayin ang impeachment trial at budget hearings—Khonghun

Handa ang House of Representatives na sabay na gampanan ang papel nito sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at busisiin ang panukalang 2027 national budget, ayon kay Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales nitong Linggo.

Sa panayam sa dzBB program na Bantay Balita sa Kongreso, ipinaliwanag ni Khonghun na may magkakahiwalay na pangkat ang Kamara para sa impeachment, budget deliberations at paggawa ng mga batas.

“Marami naman nagtatrabaho lalo na sa Kongreso. May mga naka-assign sa impeachment, may mga naka-assign sa pagrerebisa sa budget, may naka-assign sa legislative work,” ani Khonghun.

“So dire-diretso lang ‘yan. May mga teams na naka-assign sa bawat trabaho ng Kamara,” dagdag niya.

Kabilang si Khonghun sa mga opisyal ng Kamara na dumadalo sa impeachment proceedings sa Senado. Kasabay nito, patuloy umano niyang ginagampanan ang tungkulin bilang Deputy Speaker, kabilang ang pangangasiwa sa trabaho ng Kamara kaugnay ng pambansang badyet.

“Tulad tayo, isa tayo sa naka-assign sa impeachment. So araw araw nagpupunta tayo sa Senado upang tignan nang maayos yung flow ng impeachment,” aniya.

“Bilang Deputy Speaker, tumutulong din tayo sa pagrerebisa ng budget dahil isa rin sa trabaho ng Deputy Speaker is tingnan at siguraduhin na maayos ang flow ng mga trabaho sa Kongreso,” dagdag niya.

Inaasahang sisimulan ng mga komite ng Kamara sa ikatlong quarter ng taon ang pagtalakay sa panukalang 2027 General Appropriations Act habang nagpapatuloy ang impeachment trial.

Tinanong din si Khonghun tungkol sa mungkahing baguhin ang takbo ng paglilitis at obligahin ang depensa na agad magharap ng kaso matapos tapusin ng prosekusyon ang presentasyon sa bawat impeachment article.

“Pag-uusapan pa ‘yan. Malalaman natin sa Lunes kung ano ang flow ng impeachment hearing,” tugon niya.

Anuman ang maging desisyon ng Senate impeachment court sa proseso, nakatutok umano ang House prosecution sa paghaharap ng ebidensya at handa na itong tumuloy sa artikulong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

“Ang importante lang naman sa amin sa prosekusyon is lumabas ‘yung katotohanan at mapagbigyan kami mailahad kung ano ang totoong kwento at talagang maipakita na talagang may pagkakasala ang ating bise presidente,” ani Khonghun.

Nakatakdang ipagpatuloy ng Senate impeachment court ang paglilitis sa Miyerkules matapos ang pansamantalang paghinto para sa ikalimang State of the Nation Address ni President Ferdinand Marcos Jr. at Kontra-SONA ng congressional minority. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles