Ipinakita muli ni June Mar Fajardo kung bakit siya ang pamantayan sa karera para sa Most Valuable Player (MVP), dalawang kumperensya pa lamang ang natatapos sa PBA Season 50.
Matapos pangunahan ang San Miguel Beer sa matagumpay na pagdepensa ng koponan sa kampeonato ng Philippine Cup, umarangkada ang 36-anyos na sentro at inungusan sina Robert Bolick ng NLEX, Converge rookie Juan Gomez De Liano, Zavier Lucero ng Magnolia at Justin Baltazar ng Converge.
Nakapagtala ang 6-foot-10 na si Fajardo ng pinagsamang 29.8 statistical points mula sa All-Filipino Conference (40%) at Commissioner’s Cup (30%) upang manatili sa posibleng rekord na ika-10 PBA MVP trophy.
Sa 37 laro ngayong season, nag-average si Fajardo ng 17 puntos, pinakamahusay sa liga na 16.1 rebounds at 3.3 assists kada laro.
Tinanghal din siyang Philippine Cup Best Player of the Conference matapos manguna sa statistical race sa na-italang 45.5 statistical points.
Humahabol si Bolick matapos pumwesto sa ikalawa na may kabuuang 26.7 statistical points. Pinangunahan niya ang liga sa assists sa average na 8.3 kada laro, habang nag-ambag din ng 19.2 puntos, 5.2 rebounds, at 1.5 steals.
Siya rin ang nanguna sa statistical points ng mid-season Commissioner’s Cup sa 38.9 statistical points, ngunit hindi niya nasungkit ang Best Player of the Conference award matapos maagang matalo ang top-seeded NLEX sa unang round ng playoffs laban sa TNT.
Patuloy rin nagpapakita ng matibay na kandidatura si Gomez De Liano para sa MVP kahit rookie pa lamang. Pangatlo siya sa talaan na may 23.6 statistical points, bunga ng averages na 17.6 puntos, 6.5 rebounds, 5.9 assists, at 1.0 steal kada laro. Nangunguna rin siya sa karera para sa Rookie of the Year award.
Pang-apat si Lucero na may 23.3 statistical points matapos magtala ng averages na 15.7 puntos, 9.2 rebounds, 2.1 assists, 1.1 steals, at season-best na 2 blocks kada laro.
Sa ikalawang season pa lamang niya sa PBA, kinumpleto ni Baltazar ang top five sa pamamagitan ng 23.2 statistical points. Nag-average siya ng double-double na 13.5 puntos at 11.9 rebounds, bukod pa sa 2.5 assists at isang steal kada laro.
Samantala, pumuwesto si RJ Abarrientos, ang Commissioner’s Cup Best Player of the Conference, sa ika-anim na puwesto na may 22.8 statistical points, matapos mag-average ng 18.9 puntos, 3.4 rebounds, 4.5 assists, at 1.4 steals. Kasunod niya ang kanyang Barangay Ginebra teammate na si Scottie Thompson sa ikapitong puwesto na may 22.61 statistical points, mula sa averages na 13.5 puntos, 6.9 rebounds, 5.6 assists, at 1.4 steals.
Kinumpleto naman nina CJ Perez ng San Miguel, Joshua Munzon ng Titan Ultra at Justin Arana ng Converge ang top 10.
Nasa ikawalong puwesto si Perez na may 22.57 statistical points, habang si Munzon ay may 22.3 statistical points at nangunguna sa liga sa scoring sa average na 20.6 puntos at sa steals na 2.4 kada laro.
Si Arana naman ay nasa ika-10 puwesto na may 21.2 statistical points.


