Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Japan bird flu-free na, poultry import ban binawi ng DA

Muling pinayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga alagang hayop at ligaw na ibon mula Japan matapos ideklarang ligtas na ang bansa sa highly pathogenic avian influenza (HPAI).

Kasama sa pinapayagang imports ang one-day-old chicks at mga itlog na para sa pagpisa. Inaasahang makatutulong ang hakbang sa lokal na poultry industry na nangangailangan ng de-kalidad na breeding stock at hatching eggs.

Binawi ng DA ang ban na ipinatupad sa ilalim ng Memorandum Order No. 72, Series of 2025, kasunod ng naitalang bird flu outbreak sa Japan.

Ayon sa Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries ng Japan, nalutas na ang outbreak at wala nang naitalang panibagong kaso. Kinilala rin ng World Organisation for Animal Health ang Japan bilang malaya na sa avian influenza batay sa umiiral na animal health standards.

Sa risk assessment ng DA, napakaliit na ng posibilidad na maipasa ang sakit sa pamamagitan ng mga produktong aangkatin mula Japan.

“Hindi natin kailanman isasakripisyo ang kalusugan ng ating industriya ng manok, ngunit kinikilala rin natin ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas ng mga mapagkakatiwalaang supply channel kapag ipinapakita ng siyensya na epektibong nawala na ang panganib,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

“Ang pagtanggal sa ban ay makatutulong sa seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagtiyak ng access sa de-kalidad na breeding materials, pagpapalakas sa competitiveness ng ating poultry sector, at pagpapakita na ang maayos na mga hakbang sa kalusugan ng hayop ay maaaring maprotektahan kapwa ang kalusugan ng publiko at produksyon sa agrikultura,” dagdag niya.

Mahalagang supplier ang Japan ng breeding stock at hatching eggs na ginagamit sa pagpapanatili ng local production at pagpapaganda ng genetics ng mga alagang manok. Inaasahang makatutulong ang pagbabalik ng imports sa commercial producers at pangmatagalang productivity ng poultry sector.

Nilinaw naman ng DA na hindi luluwagan ang biosecurity measures. Mananatili ang veterinary inspections, quarantine protocols at iba pang import requirements para pigilan ang pagpasok ng sakit.

Magiging epektibo ang circular 15 araw matapos mailathala sa official website ng DA at maihain sa Office of the National Administrative Register. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles