Paborito talagang batikusin ng mga bashers ang madalas na ginagawa ni Ivana Alawi sa kanyang platform sa social media.
Sa latest handog-tulong na kanyang ginawa para sa mga bagong biktima ng baha dulot ng Habagat at matinding mga pag-ulan, marami pa ring mga netizen ang tila hindi ito na-appreciate.
Pinupulaan at bina-bash nila ang aktres-vlogger dahil imbes daw na gawing mas madali ang lahat para sa mga binibigyan nito ng ayuda ay parang mas pinahirapan pa ito.
Kung pwede naman daw na gawin ito sa isang “safe na luagr”kung bakit sa gitna daw talaga ng baha ito ginawa?
Sa nag-viral na video ni Ivana habang nakalusong ito sa baha at iniaabot ang mga ayudang relief goods sa mga taong gaya niya ay lumulusong din sa baha, marami ang nagkuwestyun kung para daw ba sa engagement o pag-usapan lang ang ginagawa nito?
Dahil diyan ay muling sumagot si Ivana sa mga batikos at ipinaliwanag na nasiraan ang truck na may dala ng mga relief goods at hindi na ito umandar sa dapat na puntahan nilang lugar.
“Sana alamin n’yo din kung bakit nandoon sa gitna ng baha ang truck natin, nasiraan ito at hindi na maka andar ng bandang hapon. Kaya habang sinusubukan naming ayusin para lumipat sa ibang area, may mga biglang pumila at nag stop din kung saan tumirik,” paliwanag ni Ivana.
Sa naturang video ay makikitang abot hanggang binti ang taas ng baha at mismong si Ivana nga ang nakalusong dahil may mga taong nakakilala sa kanya at humingi ng ayuda.
Saad pa ng social media star, dahil sa hindi nila matanggihan ang mga taong lumalapit at nakikiusap, kinailangan nilang bumalik-balik sa nasiraang truck para makahakot ng relief goods na ipapamahagi nila sa mga nasalanta.
Malinaw din sa ipinakitang video ni Ivana na nasiraan at hindi na nga umaandar pa ang truck nila kaya’t minabuti nilang sa naturang lugar na ipamigay ang mga relief goods kahit pa mataas ang baha.
“Sana naman din ay iwasan po nating magbigay ng mga hate comments kung hindi pa naman nalalaman ang buong istorya ng nangyari,” dagdag pa nito.
Ina-acknowledge at alam daw ni Ivana na panandaliang tulong lang daw ang nagagawa ng mga gaya niya subalit ang pakikipag-kapwa tao naman daw ay walang pinipiling okasyon.
Siniguro naman daw nilang naging maingat sila sa pamamahagi at pinayuhan ang lahat kasama na siya na agad na maglinis at gawin ang mga ipinapayo ng mga doktor tungkol sa mga taong lumulusong sa baha.
Litanya pa ni Ivana, “Nakakaawang isipin na paulit-ulit na lang natin nakikita ang mga kababayan natin na lumulusong sa baha. kinakabahan sa tuwing uulan, takot sa bawat pagtaas ng tubig, at nag-aalala na baka bukas, wala nanaman silang tahanan na uuwian. Ang tunay na solusyon ay hindi lang pera at relief goods; sana ay hindi na sila mabaha at sana, hindi na nila kailangan lumusong sa baha ulit. Sana ay maayos na ito.”


