Isinilbi na ng Philippine National Police (PNP) ang panibagong arrest warrant laban kay Sen. Jinggoy Estrada, dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, at kanilang tatlong co-accused kaugnay ng ikalawang graft charge sa flood control project controversy.
Ayon sa PNP, ang warrant ay inisyu ng Sandiganbayan Fifth Division noong June 1 para sa alleged violation ng Section 3(e) ng Republic Act No. 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
May recommended bail itong P90,000.
Hindi sinabi ng PNP kung nakapagpiyansa na ang limang akusado para sa bagong graft warrant.
Batay sa statement ng PNP, isinilbi ng Criminal Investigation and Detection Group ang warrant noong June 3 kay Estrada at sa tatlo niyang co-accused na nakakulong sa New Quezon City Jail sa Payatas Road, Barangay Silangan, Quezon City.
Nakipag-coordinate muna ang CIDG sa custodial authorities para maging maayos at legal ang pagsisilbi ng court process.
Noong June 4, isinilbi naman ang parehong warrant kay Bonoan, na nasa police custody habang nagpapagamot sa isang private hospital.
Ayon sa PNP, ginawa ito alinsunod sa legal procedures para sa pagsisilbi ng warrant sa mga taong nasa medical confinement.
“The PNP emphasizes that all actions undertaken were carried out strictly in line with existing rules of procedure and with full respect for constitutional rights, ensuring that court directives are executed in a lawful, orderly, and professional manner,” ayon sa pulisya.
Nauna nang naglabas ang Sandiganbayan Second Division ng arrest warrant laban kina Estrada at Bonoan noong May 29 para sa unang graft charge, na isang bailable offense.
Nakapagpiyansa sina Estrada at Bonoan ng P90,000 noong hapon ding iyon.
Noong June 1, naglabas naman ang Sandiganbayan Fifth Division ng arrest warrant laban kina Estrada, Bonoan, at tatlong dating DPWH officials kaugnay sa non-bailable plunder charge.
Si Estrada ay inaresto ng CIDG. Si Bonoan at isa pang co-accused ay sumuko rin sa CIDG, habang ang dalawa pang akusado ay humarap sa Sandiganbayan.
Maliban kay Bonoan, lahat ng akusado ay na-commit sa New Quezon City Jail noong Monday night.
Si Bonoan naman ay unang dinala sa PNP General Hospital sa Camp Crame matapos tumaas ang kanyang blood pressure habang sumasailalim sa booking procedures.
Ayon sa PNP, inilipat si Bonoan sa private hospital noong Martes ng gabi dahil hindi sapat ang kagamitan ng PNP General Hospital para tugunan ang kanyang kondisyon.
Sa ngayon, nananatili si Bonoan sa ilalim ng police custody habang nagpapagamot, samantalang nasa New Quezon City Jail sina Estrada at ang iba pang co-accused. /Bistado


