Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Halos 800 pasahero stranded sa 58 pantalan dahil kay Inday, Habagat

Umabot sa 789 pasahero ang stranded sa 58 pantalan sa buong bansa nitong Biyernes matapos ipatigil ng masamang panahon dulot ng Typhoon Inday at pinalakas na Southwest Monsoon o habagat ang ilang biyahe sa dagat.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), kabilang sa mga stranded ang mga truck driver at cargo helper ng 249 rolling cargoes.

May 13 vessels at 33 motor bancas na stranded, habang 158 vessels at 145 motor bancas ang sumilong sa iba’t ibang pantalan.

Pinakamaraming stranded sa Southern Tagalog, kung saan 271 pasahero at 23 rolling cargoes ang naipit sa mga pantalan ng Real, Jomalig, Dinahican, Panukulan, Lucena, Alabat, Roxas, Pola, Romblon, San Agustin, Looc, Batangas, Bauan, Balayan, Tingloy, Lemery, Anilao, at Balanacan.

May 109 vessels at 118 motor bancas ding sumilong sa mga pantalan sa rehiyon.

Walang stranded na pasahero sa North Western Luzon, North Eastern Luzon, at Southern Visayas, pero may mga sasakyang-dagat na sumilong.

Sa North Western Luzon, 16 vessels ang sumilong sa mga pantalan sa paligid ng Agoo, Lingayen Gulf, Sual, Magsaysay, Salomague, PPA Port Onri, Pasuquin, at Laoag.

Walong motor bancas naman ang sumilong sa Mahatao Shelter Port sa North Eastern Luzon, habang dalawang vessels ang sumilong sa Sibulan at sa paligid ng Maria sa Southern Visayas.

Sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), 130 pasahero at isang vessel ang stranded sa Bongao Pier.

Sa Palawan, 64 pasahero at apat na vessels ang naipit sa barangay ports sa Cuyo, Coron, at El Nido.

Sa Central Visayas, stranded ang 94 pasahero, 97 rolling cargoes, anim na vessels, at 30 motor bancas sa Polambato, Daanbantayan, Mainit, Taloot, Talibon, Ubay, Popo, Mabini, Cogtong Bay, Tapal, Hagutapay, Pilar, at Poro. May 18 vessels at 17 motor bancas ding sumilong.

Sa Western Visayas, 138 pasahero at 108 rolling cargoes ang stranded sa Caticlan Jetty, Parola, at Lapuz. Limang vessels at isang motor banca ang sumilong.

Sa Bicol Region, 92 pasahero, 21 rolling cargoes, dalawang vessels, at tatlong motor bancas ang stranded sa Pasacao, Cataingan, Mintac, Aroroy, San Pascual, San Jacinto, Monreal, San Fernando, at Lagundi. May walong vessels at isang motor banca ring sumilong.

Bukod sa pagbabantay sa maritime conditions, naghatid ang PCG District North Eastern Luzon ng 500 family food packs sa mga apektadong komunidad, karamihan ay mga fisherfolk, sa Santa Ana, Cagayan.

Patuloy na pinapalakas ni Inday ang habagat, na nagdudulot ng malalakas na ulan at mapanganib na kondisyon sa karagatan sa ilang bahagi ng bansa. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles