Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Grade 4 pupil patay matapos mag-deworming

Isang Grade 4 pupil sa Cavite ang nasawi matapos magkasakit kasunod ng regular na deworming activity sa kanyang paaralan, ayon sa Department of Education (DepEd).

Kinilala ng pamilya ang bata bilang si Rex, isang mag-aaral sa Hugo Perez Elementary School-Annex sa Trece Martires City.

Isinagawa ng paaralan ang deworming noong July 2 katuwang ang City Health Office. Ilang mag-aaral umano ang nakaramdam ng sama ng katawan pagkatapos ng aktibidad.

Ayon sa ina ni Rex na si Rutchie Galero, maagang umuwi ang kanyang anak dahil nasusuka ito.

“Nu’ng 11:30, nagsabi na siya sa akin, ‘Mama, half day ako.’ ‘Bakit ka magha-half day?’ Sabi niya, ‘Nasusuka ako kasi uminom daw siya, pinainom daw siya ni Ma’am niya ng pampapurga. Sabi ko, ‘Kailan?’ ‘Pagkatapos, Mama ng recess,’” kuwento ni Galero.

Dinala si Rex sa isang klinika kinabukasan, July 3. Ipinayo ng mga doktor na ilipat siya sa ospital nang lumala ang kanyang kondisyon.

“Pagdating po doon, sunod-sunod na, hanggang sa 50-50 na siya. Wala na. Sabi po ng doktor, patay na po siya. Tinigilan na pong doktor ‘yung pagre-revive niya pero lumalaban siya, Ma’am,” ani Galero.

“Masakit talaga mawalan ng anak,” dagdag niya.

Nakasaad sa death certificate ni Rex na septic shock dahil sa central nervous system infection ang agarang sanhi ng kanyang kamatayan.

“Based on initial medical findings, the cause of death was linked to an infection that led to septic shock,” pahayag ng DepEd.

Naniniwala naman ang mga magulang na posibleng nasobrahan ang dosage ng deworming medicine na ibinigay sa kanilang anak. Hinala lamang ito ng pamilya at kabilang sa mga usaping nais nilang imbestigahan.

“Masakit para sa akin kasi hindi ko naman talaga alam ’yon na papainumin anak ko. Kasi kung alam ko lang pong doktor, ’di ko ’yan papainom kasi sobrang lusog ’yan,” sabi ng amang si Leo Mission.

Nakatakda sanang ilibing si Rex noong Sabado ngunit ipinagpaliban ito ng pamilya para maisagawa ang autopsy. Plano rin nilang humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) at magsampa ng reklamo laban sa mga taong pinaniniwalaan nilang may pananagutan.

Sinabi rin ng pamilya na tinangka ng alkalde na mamagitan sa kanila at sa guro ni Rex.

Nakikipagtulungan na ang DepEd sa mga awtoridad sa kalusugan habang iniimbestigahan ang insidente. Sinusuri rin ng kagawaran ang sarili nitong health and safety protocols.

“We are committed to fully understanding what happened and are working closely with health authorities as they investigate,” pahayag ng DepEd.

Nagbibigay din umano ang kagawaran ng emosyonal, sikolohikal at logistical na suporta sa pamilya.

Tiniyak ng DepEd-Cavite at pamunuan ng paaralan na makikipagtulungan sila sa anumang ligal na proseso at imbestigasyon. Hinimok din ng DepEd ang publiko na umasa lamang sa beripikadong impormasyon mula sa mga awtoridad sa kalusugan habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles