Isang koponan lamang ang mananatiling nakatayo at magtataas ng kampeonato sa harap ng inaasahang umaapaw na mga manonood sa paghaharap ng defending champion TNT at Barangay Ginebra sa Mall of Asia Arena simula 7:30 ng gabi ngayong Miyerkules.
Napwersa ng Tropang 5G ang winner-take-all matapos Manalo sa Game 6 noong Linggo, 98-90, sa harap ng 22,731 manonood sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Hindi pinayagan ni Chris McCullough na tumiklop ang Tropang 5G at nagpasabog ng career-high 53 puntos at 22 rebounds.
Nakipagsabayan si McCullough kay Best Import Justin Brownlee na nagtapos na may 52 puntos, kasunod ng 54 puntos noong Game 5 na ipinanalo ng Gin Kings noong Biyernes, 100-95.
Inamin ni Ginebra coach Tim Cone matapos ang Game 6 na hindi nila kinaya si McCullough.
“He hit shots, we couldn’t control him all-game long. We challenged him from the outside, and he made the big shots from the outside,” ani Cone.
Walang nakatulong sa laban si Brownlee noong Game 6. Walang ibang manlalaro ng Ginebra ang umabot sa double figures. Nagtala si Troy Rosario ng siyam na puntos, ang Best Player of the Conference na si RJ Abarrientos ay may anim at si Scottie Thompson ay nalimitahan sa tatlo.
Pinagsama lamang nina Thompson at Abarrientos ang 2-of-18 shooting.
Sa parte ng TNT, umiskor si Jordan Heading ng 19 puntos at si Roger Pogoy ng 13 puntos.
Sa kabila ng pagkatalo sa Game 6, nananatiling kumpiyansa si Cone sa tsansa ng kanyang koponan.
“We’re gonna feel good about ourselves going into Game 7. We know we can take this, and we’re gonna go for it,” ani Cone.
Buo rin ang loob ng Tropang 5G na ipagtanggol ang korona.
“In our board, we put there 96 minutes encircled in a heart,” ani TNT coach Chot Reyes. “We said let’s play the best 96 minutes of our lives — Game 6 and Game 7. And now, we’ve done the first half of that.”


