Isang panalo pa at lalapit na sa finals ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup ang Barangay Ginebra at TNT.
Inspirado sa dalawang sunod na panalo, haharapin muli ng Ginebra ang Rain Or Shine simula 5:15 p.m. sa Game 4 ng semifinals ngayong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa second game umpisa 7:30 p.m., ipaparada ng defending champion TNT ang bagong import na si Chris McCullough kontra Meralco.
“We know how tough Rain Or Shine is. They have a lot of energy in them, they’re hungry. Hopefully, we find a way to sustain our effort,” ani Scottie Thompson matapos ang Game 3 noong Linggo kung saan nanalo ang Gin Kings, 103-98.
Sa unang kalahati ng Game 3, tila handa na ang Elasto Painters na mabawi ang kalamangan sa serye. Umabot sila sa 13 puntos na abante at natahimik ang mga tagasuporta ng Ginebra sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Pagdating ng third quarter, muling nabuhay ang Kings at tuluyang nagwagi, bagama’t may iniindang masakit ang import na si Justin Brownlee at si RJ Abarrientos.
Bilang underdogs, nananatiling pareho ang bilin ni coach Yeng Guiao sa kanyang koponan: Lumaban at makipagsabayan.
Samantala, malaki ang pasasalamat ng TNT na nakuha nila ang 31-anyos na si McCullough.
Katatapos lamang maglaro ng tubong New York sa Taiwan Professional Basketball League at pabalik na sana sa Amerika nang matanggap ang tawag mula sa TNT.
“He just finished his stint in Taiwan (Taoyuan Taiwan Beer Leopards). So perfect he was about to leave for the States,” pagbubunyag ni team manager Jojo Lastimosa. “Nag-usap kami and it was quick. And he’s OK with the situation.”
Ayon kay Lastimosa, si TNT resident import Rondae Hollis-Jefferson ang nagmungkahi sa management na ikonsidera si McCullough bilang posibleng kapalit ng injured na si Bol Manute Bol.
“He’s a good friend of Rondae,” ani Lastimosa. “Rondae was the one who suggested to me that he’s available.”
Si McCullough, na nagdala sa San Miguel Beer sa kampeonato ng parehong conference noong 2019 kontra TNT, ay napanood ang Game 3 kung saan nagwagi Tropang 5G kontra Bolts, 77-75.
Ang clutch three-pointer ni Roger Pogoy sa mga huling segundo ang nagbigay daan sa 2-1 abante sa best-of-seven series.


