Hinatid nina RJ Abarrientos at import Justin Brownlee ang Barangay Ginebra sa finals ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup matapos ang 4-2 series win sa semifinals nitong Linggo.
Pinabagsak ng Ginebra ang Rain Or Shine, 118-107, sa harap ng rekord na 11,321 manonood sa Ynares Center Antipolo.
Makakaharap muli ng Ginebra ang defending champion na nagwagi naman kontra sister team Meralco, 97-94.
Inulit nina Abarrientos at Brownlee ang kanilang napakahusay na tambalan sa Game 5, pinagsama ang 61 puntos upang tuluyang durugin ang pangarap ng ROS.
Nagtala si Brownlee ng 31 puntos, 15 rebounds, at limang assists habang umiskor si Abarrientos ng 30 puntos, pitong assists, anim na rebounds, at tatlong steals.
Nakasiguro ang koponan ni coach Tim Cone ng ika-32 PBA finals appearance at ikapito sa Commissioner’s Cup.
Ang huli nilang kampeonato ay noong 2023 Commissioner’s Cup.
Ito ang magiging ikaapat na sagupaan ng TNT at Gin Kings para sa kampeonato sa nakalipas na walong conference.
Nagpakitang-gilas si TNT import Jordan Heading sa kanyang matinding opensa, na tumira ng pitong tres at nagtapos na may 30 puntos, habang isinakatuparan ng Tropang 5G ang kanilang misyon na makamit ang ikalimang sunod na finals appearance.
Nanalo ang Tropang 5G sa una, ikatlo at ikalimang laro, habang gumanti naman ang Meralco sa ikalawa at ikaapat.
Kinailangang pagdaanan ng koponan ni coach Chot Reyes ang matinding pagsubok bago tuluyang maisara ang serye.
Matapos makuha ang 91-77 kalamangan na may 7:04 pang natitira sa laro, kinailangan ng Tropang 5G na harapin ang malakas na paghabol ng Bolts, na nagawang itabla ang iskor sa 94-94, may 1:41 pang nalalabi.
Pagkatapos ay dumating ang mahalagang three-point play ni Heading laban sa import ng Meralco na si Patrick Gardner, na muling nagbigay ng kalamangan sa TNT.
Nagkaroon pa ng huling pagkakataon ang Bolts na maagaw ang panalo sa Game 6 at mapuwersa ang isang do-or-die na laban, ngunit sumablay ang apat na puntos na pagtatangka ni CJ Cansino, kaya nakatakas ang Tropang 5G.


