Sa harap ng 24,617 manonood, inagaw ng Barangay Ginebra ang korona sa TNT sa pamamagitan ng 88-76 panalo sa Game 7 ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City nitong Miyerkules.
Ito ang unang kampeonato ng prangkisa mula nang dumagsa ang rekord na 54,589 katao sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan noong Enero 2023.
Tinalo ng Ginebra ang Bay Area, 114-99, para sa Commissioner’s Cup title sa kapareho rin na Game 7.
Mula noon, tatlong beses nakarating sa finals ang Gin Kings ngunit natalo sa bawat serye kontra TNT.
Pinaluhod ng Tropang 5G ang Gin Kings sa Season 47 at 49 Governors’ Cup, at Season 49 Commissioner’s Cup finals.
Pinangunahan ni Best Import Justin Brownlee ang Ginebra sa pamamagitan ng 30 puntos at 14 rebounds, kabilang ang 16 puntos sa second half upang pangunahan ang 48-29 na ratsada na bumura sa kanilang pagkakaiwan sa halftime, 40-47.
Nakapagtala rin si Brownlee ng 54 at 52 puntos sa mga naunang laro ng serye.
“These beautiful fans, they gave us the energy to go out there and win,” ani Brownlee.
“We were down and TNT gave us a battle. But as coach Tim (Cone) kept telling us, ‘this is our time.’ Stephen Holt said it before the series started, ‘this is our time.’ And it was our time.”
Ang panalong ito ang nagbigay kay Brownlee ng kanyang ikapitong kampeonato sa PBA.
“Ten years ago I would never have thought I’d be still playing at 38 years old and winning championships,” ani Brownlee.
“But these fans, they give me the energy to go out there play for them, play for my family and give my best.”
Nagtapos si Scottie Thompson na may 19 puntos, 11 rebounds at 8 assists at hinirang bilang Finals Most Valuable Player (MVP) ng PBA Press Corps.
“Ito yata ‘yung pinaka-emotional na panalo ko ng finals MVP kasi unexpected. I’ve been battling through ups and downs,” ani Thompson.
Nagdagdag naman si Best Player of the Conference RJ Abarrientos ng 13 puntos upang masungkit ang kanyang unang titulo sa PBA.
Pinangunahan ang TNT ng import na si Chris McCullough na may 28 puntos. Umiskor si Jordan Heading ng 21 puntos habang nag-ambag si RR Pogoy ng 15.
The scores:
GINEBRA 88 — Brownlee 30, Thompson 19, Abarrientos 13, Rosario 13, J. Aguilar 7, Pinto 6, Gray 0, Holt 0, Cu 0.
TNT 76 — McCullough 28, Heading 21, Pogoy 15, Oftana 5, Aurin 4, Nambatac 3, Galinato 0, Khobuntin 0, Williams 0.
Quarters: 18-16; 40-47; 68-63; 88-76


