Hindi nakaporma ang Gilas Pilipinas sa Australia, sa pangunguna ni Bryce Cotton, at natalo muli sa Boomers, 92-49, nitong Lunes sa FIBA Basketball World Cup 2027 Asian Qualifiers sa RAC Arena sa Perth.
Papasok sa ikalawang yugto ng qualifiers ang Australia dala ang 7-0 kartada samantalang 2-4 ang Pilipinas.
Ang Boomer rookie na si Cotton ay nagtala ng 13 puntos sa 16-0 ratsada na nagbigay sa Australia ng 24-8 kalamangan sa huling bahagi ng first half.
Mula noon, hindi na bumitaw ang Australia sa kalamangan.
Ang anim na beses na Australian National Basketball League Most Valuable Player na si Cotton ang top scorer na may 21 puntos, kabilang ang apat three-pointer. Nagdagdag din siya ng 2 rebound, 5 assist at 2 steal.
Australia ang nag-iisang koponan na papasok sa susunod na yugto ng qualifiers sa Agosto na walang talo — una sa kasaysayan ng Asian Qualifiers.
Lahat ng manlalaro ng home team ay umiskor ng hindi bababa sa tatlong puntos. Gumawa rin si Cleveland Cavalier Tyrese Proctor na may 16 puntos, 4 rebound, 4 assist, at 1 steal.
Nag-ambag si Mitch Creek ng 13 puntos at 7 rebound.
Sa isang bahagi ng laro, nalamangan pa niya ang buong Pilipinas nang siya lamang ang umiskor ng unang walong puntos ng Australia para sa 8-5 abante bago ipinagpatuloy ni Cotton ang pag-atake.
Nagtala naman si Josh Bannan ng double-double na 11 puntos at 11 rebound, habang nagbigay rin ng mahahalagang kontribusyon sina forward Keanu Pinder (9 puntos, 6 rebound) at si Alex Condon (3 puntos, 8 rebound).
Nagtala ang Australia ng 40 porsyentong shooting mula sa field, kabilang ang napakataas na 56.7 porsiyento mula sa loob ng two-point range.
Patuloy nilang inatake ang ilalim upang samantalahin ang mas maliit na lineup ng Pilipinas, lalo na sa pagkawala ni Justin Brownlee na may hamstring injury.
Nanaig din ang Australia kontra Pilipinas, 93-66, noong Marso 1 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ikalawang yugto, ang 12 koponan ay hahatiin sa dalawang grupo.
Ang bawat grupo ay bubuuin ng mga koponang umabante mula sa apat na grupo sa unang yugto. Lahat ng resulta mula sa nakaraang yugto ay dadalhin sa ikalawang yugto o carry over.
Maglalaro ang bawat koponan laban sa tatlong iba pang koponan sa kanilang grupo na hindi pa nila nakakaharap gamit ang home-and-away format.
Ang mangungunang tatlong koponan sa bawat grupo, kasama ang pinakamahusay na koponang sa ikaapat na pwesto at ang host na Qatar, ay makakakuha ng puwesto sa FIBA Basketball World Cup na nakatakda Agosto 27 hanggang Setyembre 12, 2027.
Sa Group B, ipinakita ng Korea ang matinding tibay ng loob upang talunin ang Japan, 81-79, at umabante rin sa ikalawang yugto.
Sa huli nilang paghaharap noong Window 2, nagwagi ang Japan, 78-72.
Dahil sa tagumpay na ito, muling nakabalik ang koponan ng East Asia sa susunod na yugto ng qualifiers matapos ang pitong taong paghihintay.
Pasok ang Japan, Korea at China. Sibak ang India.


